RS Francisco umamin na: Crush ko si Joshua Garcia!


NAGBIGAY ng official statement si Raymond “RS” Francisco bilang top executive ng Frontrow tungkol sa kalagayan ni Ellen Adarna, isa sa official endorsers ng kanilang mga produkto.

“Mahal namin si Adarna, no matter what, ganoon sa Frontrow. Lagi kong sinasabi, ang Frontrow open ‘yan sa babae, lalaki, walang kasarian, ‘di tiyak. Wala kaming pakialam kung mayaman ka, mahirap ka, o kung anuman ang gawin mo. Basta wala kang ginagawang masama, okey lang sa akin.

“Para sa amin, wala ka namang ginawang anything sa amin, with Frontrow, you’ll stay with us. Tuluy-tuloy lang ang buhay,” deklarasyon ni Raymond.

Nagsalita si Raymond sa thanksgiving presscon niya for the media sa pagkapanalo niya bilang Best Actor sa Philippine Movie Press Club’s Star Awards for Movies na ipalalabas sa ABS-CBN on March 18, Sunday, 10:30 a.m..

Wala naman daw problema sa kanila ang pagbubuntis ni Ellen at sa produktong ine-endorse niya sa Frontrow.

“It’s no big deal. Babae ‘yun, e. Magulat kayo kung ako ‘yung nabuntis, ‘di ba? At ang ine-endorse po ni Ellen Adarna is for bright, whitening skin. So, pwede naman kahit effortless ka, ‘yun po kahit buntis ka. Tsaka when I shot Ellen, kaya super love ko talaga siya, kahit ano ipagawa ko sa kanya, ginawa niya,” sey ni RS.

Of course, may hangover pa si Raymond sa pagkakapanalo niya ng Best Actor sa Star Awards sa pa-thanksgiving niya sa press. This is the third time na nagkaroon siya ng Best Actor award. Una ay nu’ng high school siya. Pangalawa, sa Sinag Maynila at pangatlo nga sa Star Awards for Movies for his movie “Bhoy Intsik.”

“Hindi ako nag-expect na mananalo sa Star Awards but I’m hopeful,” diin niya. “Maraming salamat sa lahat ng press talaga. It sounds very showbiz pero talagang I was so touched talaga. Meron po kasi akong takot sa press. Totoo ‘yun.”

Kuwento ni Raymond, nu’ng first presscon daw ng “Bhoy Intsik” kinabahan siya sa mga taga-entertainment press. Feeling niya maldita ang mga showbiz reporter.

“Pero after nu’ng ‘Bhoy Instik’ na-realize ko ang mga press mas okey pa sila kesa sa mga kilala ko na iba. Mas approachable, mas nakakausap ko pa. So, siguro pwede akong maging Darling of the Press din. Hindi naman ako binotong Darling of the Press,” biro ulit niya.

During his acceptance speech, hindi napigilan ni Raymond na aminin na crush niya ang kapwa niya nominee sa Star Awards for Movies na si Joshua Garcia.

“Alam mo, pinipigilan ko talaga ang sarili ko na tumingin kay Joshua, kasi nandoon siya. So, nakita ko siya, halos katangkad ko lang. Sabi ko, ‘Finally mami-meet ko na siya.’ Kaso walang nagpakilala sa amin. Sabi ko, ‘paano ko mami-meet si Joshua?”

Dugtong pa niya, “Tapos may sumigaw na, kasi mine-mention ko ‘yung mga co-nominees ko. Sabi ko, etong award ko na ‘to idini-dedicate ko kay Aga (Muhlach), kay Derek (Ramsay). Tapos may sumigaw na isa, ‘Joshua!’ Sabi ko, ‘Ay, oo nga pala, kay Joshua, na crush ko rin.’ Ha-hahaha! Talagang nasabi ko ‘yun, Diyos ko! Tapos sabi ko teka lang, kasi magagalit ‘yung JoshLia. Habang si Julia (Barretto), naman umiiling,” lahad ni Raymond.

q q q

Huwag nang magtaka if one of these days ay kunin na rin ni Raymond si Joshua bilang isa sa mga endorser ng Frontrow gaya nina James Reid, Nadine Samonte, Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

“Actually, kung magkakaroon ng chance why not, ‘di ba? Lagi kong sinasabi, Frontrow is very open sa lahat. Joshua is a very good actor, so, malay mo when the stars align and the universe conspires, Joshua will be with Frontrow.”

Hindi kami nagkaroon ng chance na tanungin si Raymond kung magkano na ang worth niya ngayon. Kung kasing yaman na rin ba niya sina Vice Ganda, Ricky Reyes at Joel Cruz? Meron na rin kasi siyang mga bodyguard na kasama ngayon at latest na Mercedes Benz ang gamit niyang sasakyan.

Anyway, plano ni Raymond na mag-produce ng limang pelikula this year. Meron din daw inaalok na magandang movie sa kanya ang direktor niya sa “Bhoy Intsik” na si Joel Lamangan. Pero nakiusap siya na huwag muna this year.

Gusto kasi niyang bumalik muna sa pag-arte on stage. Gagawin ulit ni RS ang “M. Butterfly” na pinagbidahan niya sa stage 28 years ago.

Read more...