NAGSALITA na ang presidential daughter na si Davao City Mayor Sara Duterte.
Sa 2019 ay hindi raw siya tatakbo sa pagka-senador; ang plano niya ay tumakbo sa pagka-mayor ulit o kaya ay tumakbo sa pagkakongresista.
Nasa ikatlo at huling termino na si Davao City Rep. Karlo Nograles ngayon, at isa siya sa ikinokonsidera na kandidato sa pagkasenador ng PDP-Laban. Dahil walang ‘reelectionist’ ay maituturing na ‘open’ ang kanyang pwesto.
Mukha namang hindi mahihirapan si Mayor Sara, tumakbo man siya sa pagkamayor o pagkakongresista. Ang sabi nga ng mga miron kahit na sa pagkasenador siya ay mananalo siya.
Kung hindi tatakbo si Mayor Sara sa pagkakongresista, isa sa binabantayan ay kung babalik sa politika si dating Speaker Prospero Nograles.
Matagal na naging kongresista si Speaker Nograles kaya alam na niya ang kalakaran sa Kongreso.
Maaari rin naman na ang tumakbo sa distrito ay ang anak niyang si PBA Rep. Koko Nograles.
***
Ang sabi ng mga miron, sure na sa pagka-speaker si Mayor Sara kung gugustuhin nito. Meron bang tututol?
Pero teka, paano na si Speaker Pantaleon Alvarez? Unang termino niya ngayon at ikalawa sa 18th Congress kung sakali.
Ang malimit mangyari, ang napili ng bagong pangulo sa pagka-speaker ay sure na manatili ng dalawang termino. Yung pangatlo niya ay iba na ang presidente kaya malabo na siya pa rin ang lider ng Kamara de Representantes.
At ang malas naman niya kung Speaker siya pero matatalo siya sa reelection.
Bakit nga ba natin pinag-uusapan ito? Mag-eleksyon muna para maging malinaw ang kung sino ang mga tatakbo at kung sino sa kanila ang may potensyal na maging Speaker.
May eleksyon ba? May tsismis na hindi pa patay ang ideya ng No-Election at itinutulak pa rin ito ng mga maka-administrasyong mambabatas.
Kung wala namang eleksyon ay malabo na mapalitan si Speaker Alvarez. Maliban na lang kung mayroong tatayo sa plenaryo ng Kamara at magsasabi na ‘Mr. Speaker I move to declare all seats vacant!”
Hindi na naman bago na napapalitan ang Speaker sa gitna ng Kongreso.
Noong panahon ni Pangasinan Rep. Jose de Venecia Jr., naalis siya nang hindi na siya mabango sa noon ay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Pinalitan siya ni Speaker Nograles.
Hindi na rin naman first time na may kumalat na tsismis tungkol sa pagpapalit ng Speaker.
Di ba nung bago pa ang administrasyon ay kumalat ang balita na may banat sa puwesto ni Speaker Alvarez at baka palitan siya ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.