AGAD ipapatupad ng bagong halal na pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC) na si Victorico “Ricky” Vargas ang masusing pag-audit sa pribadong ahensiya ng sports sa bansa.
Ito ay matapos talunin ni Vargas si Jose “Peping” Cojuangco Jr. sa botong, 24-15, sa isinagawang POC election sa Wack-Wack Golf & Country Club Biyernes ng hapon.
Nagwagi rin ang kapareha ni Vargas, na pangulo rin ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP), na si Tagaytay City Congressman at Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) president Abraham “Bambol” Tolentino kontra sa nakatapat na si Ting Ledesma, na presidente ng Table Tennis Federation Inc., sa iskor na 23-15.
“Ricky (Vargas) just called and he told me his first order is for his auditor to audit POC,” sabi kahapon ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon Fernandez matapos kunan ng reaksyon ukol sa pagwawagi ni Vargas.
Matatandaan na si Fernandez ang isa sa matinding kritiko ni Cojuangco at maging ng bumubuo sa POC.
Bago isagawa ang eleksyon ay nagkaroon muna ng matinding diskusyon bago na lamang naituloy ang pagboto ng kabuuang 39 national sports association.
Agad naman binigyan ng seed money na P20 milyon ng kanyang boss na si Manny V. Pangilinan si Vargas upang agad nitong mabago at maisagawa ang iniutos na “sports renaissance” sa bansa.
Ang suportang pinansiyal ay ibinigay mismo ni Pangilinan na nangakong susuportahan ang kanyang pinakamaaasahang opisyal para mapasimulan ang pagbabago sa sports kung magwawagi sa pinakamataas na puwesto sa Olympic body sa bansa.
Agad na tinupad ni MVP ang kanyang pangako matapos na talunin ni Vargas ang tatlong sunod naging presidente na si Cojuangco sa isa sa pinakamatinding eleksyon sa POC.
“He just texted me and said he will give the POC a seed money of P20 million. I hope we use it properly, and we will,” sabi ni Vargas matapos putulin ang 14 taong pamamayani ng 83-anyos na si Cojuangco.