‘Pinatunayan lang ni Lovi Poe na anak nga siya ni FPJ!’

LOVI POE

MASAYANG-masaya ang tropa ng Cineko Productions dahil nakalusot sa kanilang unang araw sa takilya ang kontrobersiyal na pelikulang “The Significant Other” na pinagbibidahan nina Lovi Poe, Tom Rodriguez at Erich Gonzales.

Maging ang Star Cinema na nag-release ng pelikula ay masaya rin sa ipinakitang lakas ng pelikula sa unang araw nito. May weekend pang nakaabang, ‘yun ang panahon ng paglabas ng ating mga kababayan para sadyain ang pelikulang gusto nila, kaya mas tataas pa ang numero ng “The Significant Other.”

Siguradong mas magkakaroon pa ng inspirasyon ngayon ang Cineko Productions sa pagpo-produce ng mga pelikula. Mula sa “Mang Kepweng Returns” hanggang sa “The Significant Other” ay puro panalo ang mga ginagawa nilang proyekto.

Komento ng kaibigan naming propesor na nanood agad ng pelikula nu’ng Miyerkules nang gabi, “Gusto ko ang direction and cinematography. Alam mong hindi tinipid ang pelikula.

“Magagaling ang mga artista, lalo na si Lovi Poe, na talagang anak nga ng tatay niya. Gusto ko rin ang pasimpleng atake ni Erich, pero nasa loob ang kakirihan, subtle ang atake.

“Mukhang babalik na nga ang mga sexy movies na matagal ding nawala, pero kung sakali man, e, ang mga tulad sana ni Direk Joel Lamangan ang humawak para hindi mababoy ang paggawa.

“May naalala lang ako. ‘Yung mga movies ni Direk Danny Zialcita nu’n na sagana sa mga hugot lines.

“Maganda ang pelikula, hindi nasayang ang effort at ipinambayad ko,” papuri ni prop sa “The Significant Other.”

Read more...