MAKALIPAS ang halos 10 taon ay muling nagsama-sama sina Erich Gonzales, Ejay Falcon at Enchong Dee sa seryeng The Blood Sisters na umeere na ngayon sa ABS-CBN.
Nang makatsikahan namin si Erich noon ay nabanggit niyang excited siyang makasama ulit sina Ejay at Enchong. Nami-miss na raw niya ang dalawang aktor na nakasama niya noon sa seryeng Katorse na launching project nila, kung saan kasama rin si Xian Lim.
Kaya sa ginanap na thanksgiving mediacon ng The Blood Sisters ay puring-puri ni Ejay si Erich dahil malaki na ang pagbabago sa kanya.
Sabi ng aktor, “Ang daming nagbago sa kanya. Sabi ko nga, siyempre ‘yung range ng acting niya ngayon, ibang klase na. Nakaka-challenge, sobrang galing niya talaga. Makikita niyo naman kasi tatlong characters (Erika, Carrie at Agatha).”
Naiyak naman si Erich habang nagpapasalamat sa lahat ng tumatangkilik sa The Blood Sisters dahil nga sobrang hirap daw talaga ng ginagampanan niya.
“Doing three characters is not easy pero pag nati-text na po sa akin ‘yung ratings o kaya nakakabasa ako ng magagandang reviews, positive feedbacks, sobrang nawawala po lahat ng pagod.
“Gusto ko rin pong pasalamatan ang buong Blood Sisters team, lahat ng co-actors ko, sobrang thank you po sa inyong lahat,” tuluyan nang nalaglag ang luha ng aktres.
At dahil hindi na makapagsalita si Erich ay sinalo na co-star niyang si Cherie Pie Picache ang aktres, “Pagod po kasi siya, kauuwi niya lang ng alas singko ng umaga kanina.”
Hindi binanggit ni Cherie Pie kung anong eksena ang kinunan kaya inabot sila ng umaga, pero sa bandang huli ay nabanggit ni Erich na nagkita na ang triplets.
Aniya, “Nag-taping kami ng triplets yesterday, natapos kami umaga na. Ibang klaseng busisi po ‘yung ginawa naming lahat, extra hardwork po like sa character na Carrie, Agatha and Erika, isang eksena ‘yun, pero paulit-ulit mo siyang gagawin.
“Like for example, lahat ng lines ni Agatha, change ka ng look and emotions, tapos si Carrie lahat ng lines niya, look at ganu’n din si Erika, so paulit-ulit lang. Mahirap po talaga,” aniya pa.
Napahanga rin si Ms. Tessie Tomas na gumaganap na lolang doktora ni Carrie na sobrang hirap nga raw ng trabaho ni Erich at nabanggit din nitong maraming nanonood talaga ng TBS dahil pinag-uusapan ito.
Kuwento ni Ms. Tessie, “I just want to commend Cherie Pie and Erich as Agatha, I am so impressed even with the trailer palang ‘yung unit nila. I did not realize na it would come alive, sabi ko, ganito pala ‘to (eksena). Actually, ang pinakamalalim na hugot ay ‘yung Agatha and the mother Adele, ang ganda ng interaction ninyo doon.
“And of course, even my friends and fans who are watching sa beauty parlor, sa Greenbelt (mall) dahil medyo taga-Makati tayo ay nakatutok na sila at sabing ganu’n, ‘natataranta sila sa tatlong istorya na sobrang ganda at punumpuno.
“Pangalawa, stand out of course ‘yung mansyon namin (eksena), ‘yung scene ng Baguio gustung-gusto nila kasi It’s like a painting. Ang ganda ng texture,” aniya pa.
Nagkuwento rin si Ms. Dina Bonnevie na maski nakikita niyang pagod na pagod na si Erich ay humahanga siya dahil hindi mo mariringgan ng reklamo kahit magu-umaga na.
Ang eksena raw sa mansyon na nagkita sina Carrie at Erika na paulit-ulit na kukunan.
“As Carrie kukunan siya tapos uulitin sa close-up as Carrie same with Erika rin. Mahirap ‘yung pagtanggal ng make-up at pag-ayos ng buhok, si Carrie kasi naka-make-up at naka-pony tail, dalawang beses kukunan. Si Erika, walang make-up, simple at nakalaglag ang buhok, so can you imagine gaano kahirap?
“Naiiyak na siya sa pagod, pero kahit ganu’n, nakakaiyak pa rin siya ng todo. She study talaga her role at makikita mo ba ibang-iba ‘yung character ni Carrie kay Erika kaya hands-off ako sa kanya,” pahayag ni Ms. Dina.
Bukod kina Cherie Pie, Dina at Tessie, kasama rin dito sina Enchong Dee, Ejay Falcon, AJ Muhlach, Jestoni Alarcon, Dante Rivero, Ogie Diaz, Ian de Leon, Maika Rivera, Ruby Ruiz, Pamu Pamorada, Alora Sasam, Dindi Gallardo at Pilar Pilapil. Ito’y mula sa direksyon nina Jojo Saguin at Roderick Lindayag mula sa Dreamscape Entertainment.