Ka Tunying: Humihingi po ako ng paumanhin sa lahat ng nasaktan!

NAG-SORRY ang Kapamilya broadcast journalist at TV host na si Anthony Taberna sa lahat ng na-offend sa naging komento niya sa isang balita tungkol sa teenager na babaeng biktima ng rape sa episode ng Umagang Kay Ganda noong Lunes.

Na-bash nang todo si Ka Tunying sa sinabi niyang, “Pasensiya na doon sa biktima. Yun dapat mabigyan ng katarungan—pero ito, para sa future na pangyayari. Kapag ikaw ay babae, huwag kang papasok sa lungga ng mga tulisan.”

Kahapon sa live episode ng UKG nagbigay ng official statement ang TV host, aniya, “Bilang isang ama po, lalo po’t parehong babae ang aking mga anak, e, batid ko na masama ang ating mundo at nandiyan lang po ang mga kriminal at mga utak-kriminal.

“Naghihintay lang po ng kanilang mabibiktima. Bago po ang news report noong Lunes, lagi kong binabanggit dito po sa UKG na walang puwang na mabuhay sa lipunan natin ang mga rapist. Kailanman po ay hindi ko kakampihan ang mga demonyong ito.

“Ang paninindigan ko pong ito ay batid ng mga araw-araw na sumusubaybay sa UKG. Subalit alam ko rin na merong mga hindi nagustuhan ang aking komento at ang aking paalaala, ipinalagay na paninisi sa biktima. Hindi po yun ang aking intensiyon.

“Nais ko rin pong sabihin na hindi ko sinisisi ang biktima sa nangyari. Dapat pong panagutin sa batas ang mga kriminal. Gaya po ng aking nabanggit sa naturang segment, dapat pong mabigyan ng hustisya ang sinapit po ng biktima,” paliwanag pa niya.

Pagtatapos ni Ka Tunying, “Humihingi po ako ng paumanhin sa mga nasaktan sa aking komento at mas magiging maingat po ako sa susunod na pagkakataon.”

Read more...