Natagpuan na lang ang mga labi ni Rebente Barkbak Ladja, 37, na katabi pa ng buwaya sa isang kulumpon ng mga bakawan sa Sitio Tokanigalo, Brgy. Catagupan, Balabac, Lunes ng hapon, ayon sa ulat ng MIMAROPA regional police.
Sinagpang umano ng buwaya ang lalaki noong Lunes, nang magtungo siya sa ilog para manghuli ng alimango.
Nang di makauwi si Ladja nang hapong iyon ay humingi ng saklolo ang kanyang misis sa mga opisyal ng barangay para hanapin ang mister.
Sa kanilang paghahanap, natagpuan nilang lumulutang malapit sa mga bakawan at katabi ng buwaya ang isang nahati nang bangkay.
Nakilala ang bangkay ni Ladja nang makalapit ang mga opisyal ng barangay, ayon sa ulat.
Noon lang Disyembre, isang lalaki rin ang nasawi matapos umanong kagatin ng buwaya sa bayan naman ng Bataraza, doon din sa katimugang Palawan.
Nobyembre naman nang mawala ang isang dalagita sa Balabac nang tangayin naman umano ng buwaya. (John Roson)
– end -
MOST READ
LATEST STORIES