NALILITO ang ilang pulitiko.
Ang dinig kasi nilang kuwento ay hindi matutuloy ang eleksyon sa 2019 dahil sa Charter change na pinapaboran ni Pangulong Duterte kaya hold over muna ang mga nanalo noong 2016 elections kapag napalitan ang 1987 Constitution.
Kapag naplantsa na raw ang transition sa mga bagong puwesto at iba pang pagbabago sa sistema ay saka itatakda ang eleksyon.
Siyempre hindi naman pagbabawalan ng mga kongresista at senador na bahagi ng Constituent Assembly na siyang gagawa ng bagong Konstitusyon, ang kanilang mga sarili na tumakbo sa halalan.
Dahil bago na ang Konstitusyon pwede na ulit tumakbo ang mga last termer batay sa papalitang Saligang Batas– sabi nga, ulitan oback to one. Yung mga limitado sa three consecutive term (congressman) at two consecutive terms (senador) pwede na ulit tumakbo.
Kaya nga ang sabi ng mga miron ang mga pulitiko na gustong-gusto ng ChaCha ay ‘yung mga pulitiko na wala nang pupuntahan (walang papalitang asawa o anak sa ibang puwesto) at ‘yung mga nararamdaman na matatalo sila sa 2019 elections.
Sino nga naman ang aayaw? Ikaw ba naman ang payagan na manatili sa puwesto nang walang gastos, ayaw mo pa ba nun?
Pero teka, kung wala raw eleksyon bakit tuloy-tuloy ang pag-iikot ng PDP-Laban, ang partido ni Pangulong Duterte, sa iba’t ibang probinsya.
Ibinabandera pa nila ang paglipat sa kanila ng daan-daang pulitiko. Normal naman ito–ang pagpapalakas ng partido—talagang nagtatalunan sa partido ng Pangulo ang mga pulitiko para makakuha ng mga proyekto na maipagmamalaki sa kanilang mga botante at para hindi magkaroon ng malakas na kalaban sa eleksyon.
Kung hindi tuloy ang eleksyon bakit daw nagpapalakas ang PDP-Laban?
Inaanunsyo na rin ng PDP kung sino ang kanilang mga magiging kandidato sa pagkasenador.
Duda tuloy ng ilan, baka kahit ang ruling party ay hindi sigurado na hindi matutuloy ang eleksyon.
Baka naman gawa-gawa lang daw ang no election scenario para hindi makapaghanda ang mga kalaban?
Ano nga kaya No-El (no elections) o M-El (may Eleksyon)?