Perfect ka? Female celeb walang ginawa kundi mamintas ng kapwa

SUPER-PINTASERA kung tawagin ng mga taong nakapalibot sa kanya ang isang kilalang female personality. Bibihira lang daw kasi siyang pumuri, puro pamimintas ang laman ng kanyang bibig, parang wala siyang nakikitang maganda sa kanyang mga katrabaho at maging sa ibang mga artista.

Mahilig makipagchikahan sa kung sinu-sino ang pamosong female personality, walang pahinga ang kanyang cellphone, basta meron siyang pagkakataon ay chika siya nang chika.

Kuwento ng isang source na nakakasama ng babaeng personalidad, “E, hindi naman lahat ng pakikipag-usap natin, e, may privacy, di ba? Maraming tao sa paligid, may mga nakapaligid sa kanya, kaya ang mga sinasabi niya, e, naririnig ng mga nandu’n!

“Pintasera siya, masyado siyang mapaghanap ng maipipintas sa kapwa niya, lalo na sa mga artista. Marami siyang pintas sa mga artista, lahat na lang yata, e, may kapintasan para sa kanya!

“Ugali na niya ‘yan kahit nu’n pa! Wala siyang pakialam sa mga pinagsasasabi niya, kahit ano, e, itsitsika niya, kesehodang maraming tao sa paligid niya. Palibhasa kasi, e, hindi niya naman nakasama nang matagal ang mga personalities na pinipintasan niya.

“Kailan lang ba naman siya dumating? Hindi rin naman niya pinaghirapan ang kung anumang popularity na meron siya ngayon, di ba?” nakairap na kuwento ng aming impormante.

Punto ng mga hindi nagkakagusto sa ugali ng babaeng personalidad, kung sana’y perfect siya, may karapatan siyang mangbato ng mga pamimintas sa ibang artista.

“Kaso, e, kapintas-pintas din naman siya, ano bang ganda ang ipinagmamalaki niya? Hindi siya perfect, hindi para sa kanya ang song ni Ed Sheeran, puwede ba? Marami rin siyang kapintasan?

“Sabi nga ng mga nakakarinig sa pamimintas niya, e, tumabi na lang daw sila dahil mahirap na. Baka biglang higupin ng malaking bunganga ng girl, e, kung saan sila pulutin!

“Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, tumabi-tabi na rin kayo at baka bigla kayong mahigop ng super-laking bunganga ng bulkan!” pagtatapos ng aming source.

Read more...