Fake news itigil na

PINATUNAYAN kahapon ni Special Assistant to the President Bong Go na hindi siya nakialam sa kontrata ng pagbili ng Philippine Navy ng frigate sa hearing sa Senado.

Masasabing biktima si Go ng istoryang binibigyan ng kaunting twist upang magandang basahin.

Sinisi ni Go ang Inquirer at ang Rappler, isang online news agency, dahil sa sinasabi niyang “fake news” tungkol sa pagkakasangkot sa kanya sa frigate deal.

Matagal nang sinabi ng inyong lingkod na ang ginawa lang ni Bong Go ay ipadala kay Defense Secretary Delfin Lorenzana ang isang sulat na nagrereklamo na ang pagkaka-apruba ng frigate deal ay may anomalya.

Bilang pinuno ng Presidential Management Staff (PMS), nakakatanggap si Go ng libu-libong sulat para sa Pangulo na kanya namang ipinadadala sa mga iba’t ibang ahensiya na makakatugon sa mga ito.

Hindi maaaring mag-broker si Bong Go para sa ibang supplier o contractor na nag-aalok ng frigate sa Navy dahil ang kontrata ay “done deal.”

Paano naman mababago ni Go ang kontrata sa pagbili ng frigate samantalang napirmahan na ito?

***

Kung may dapat sisihin sa gusot na ito ay si Secretary Lorenzana dahil sinabi niya na interesado ang Malakanyang sa kontrata kasi nagpadala ng communication sa kanya si Go.

Parang sinasabi ni Lorenzana na si Pangulong Digong mismo ang interesado na baguhin ang nakasaad sa kontrata.

Por Dios, por santo! Ano ba naman itong si Lorenzana at mukha nang ulyanin?

Kaya tuloy ang mga journalists na sumulat ng istorya ay ginamit ang communication ni Lorenzana sa Philippine Navy na nakialam na ang Malakanyang.

Naakusahan tuloy ni Bong Go ang Inquirer at Rapler na naglalathala ng fake news!

***

Matapos siyang magbigay ng power point presentation sa hearing sa Senado ay umalis na si Sen. Antonio Trillanes IV at di na ito bumalik.

Si Trillanes ang nagpatawag ng imbestigas-yon at nagsabing yayain si Go upang isalang sa hearing.

Isa lang ang dahilan ni Trillanes: Ang ipahiya si Pangulong Digong dahil si Go ay kanyang napakalapit na adviser.

Pero hindi nagtagumpay ang maitim na balak ni Trillanes kay Digong dahil mismo si Vice Adm. Ronald Joseph Mercado, dating Navy flag officer in command, ang nagsabing hindi nakialam si Bong Go.

Si Mercado ay pinalitan ni Lorenzana dahil diumano ay ayaw sumunod sa utos na baguhin ang kontrata.
Ipinagtanggol ni Sen. Miguel Zubiri si Go na kanyang matagal nang kaibigan.

Ani Zubiri, sa kanyang matagal na pagkakakilala kay Go, wala pa siyang narinig na ito’y nasangkot sa ano mang anomalya.

Noong si Go ay close aide pa ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte, hindi niya ginamit ang kanyang katungkulan na gumawa ng katarantaduhan, ani Zubiri.

Ang inyong lingkod ay makakapagpatunay sa tinurang yun ng senador ng Bukidnon.

Kilala ko si Bong Go noong siya’y special assistant ni Mayor Digong at wala akong narinig na alingasngas tungkol sa kanya bilang malapit na adviser ni Digong.

***

Sa hearing kahapon sa Senado, nabunyag ang kakulangan ng Philippine Navy ng mga gamit-pagdigma.
Kulelat ang ating bansa sa mga sasakyang pandagat na pagdigma kumpara sa ibang mga bansa sa Asya.

Lahat ng ating mga kalapit bansa gaya ng Malaysia at Indonesia ay mga sophisticated at modernong mga equipment ang gamit ng kanilang navy, pero ang Pilipinas ay kakarag-garag ang mga barko.

Kahit na ang Vietnam, na nagre-recover pa sa digmaan na natapos noong huling mga taon noong dekada ’70, ay may submarine na pero tayo ay wala pa.

Kawawa naman tayo!

Read more...