Arnell handang barilin ang killer ng OFW na tinortyur, itinago sa freezer ng 1 taon

ARNELL IGNACIO

BAGSAK ang emosyon ni OWWA Deputy Administrator Arnell Ignacio habang kakuwentuhan namin.

Siya ang sumundo sa bangkay ng kababayan nating OFW na si Joanna Demafelis na pagkatapos pahirapan-patayin ng kanyang mga amo sa Kuwait ay itinago sa freezer nang isang taon.

Hindi alam ni Arnelli kung ano ang kanyang sasabihin, detalyado kasi niyang napagmasdan ang bangkay ng ating kababayan, halos hindi na ito makilala ng kanyang mga mahal sa buhay.

Sabi ni Arnelli, “Wasak ang bibig niya. Pero mas wasak ang dibdib ko sa sobrang awa at malalim na galit sa inabot ni Joanna. Walang kaluluwa ang gumawa nu’n sa kanya!

“Sabi ko nga, kapag may nag-utos sa akin na barilin ang taong ‘yun na walang kaluluwa at awa sa kapwa niya, e, walang pagdadalawang-isip kong gagawin ‘yun!

“Isipin mo ang sinapit ni Joanna. Hanap nang hanap ang pamilya niya sa kanya, pero nasa freezer na pala siya at literal nang malamig na bangkay! Nakakaawa ang mga kababayan nating ganyan ang inaabot sa kagustuhan nilang kumita at tumulong sa kanilang pamilya.

“Syrian ang naging amo ni Joanna. Nu’n pa pala niya sinasabi sa pamilya niya na malupit ang pinagseserbisyuhan niya. Konting pagkakamali lang, e, sinasaktan na siya.

“Imagine, isang taon siyang itinago sa freezer? Gawain pa ba ‘yun ng taong nasa tamang huwisyo? Nakakaawa si Joanna, parang sasabog ang dibdib ko sa galit nu’ng makita ko ang bangkay niya,” sabi pa ng magaling na komedyante-TV host.

Read more...