65,000 bilang na itinakda ng LTFRB para sa Uber, Grab hindi sapat- Poe

IGINIIT ni Sen. Grace Poe na hindi sapat ang 65,000 na bilang ng Grab at Uber na itinakda ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na papayagan na bumiyahe sa Metro Manila.
“Alam mo ang totoo niyan kulang pa rin talaga. Marami pa rin ang nagrereklamo na hindi sapat yung serbisyo dahil kulang nga ng transportasyon,” sabi Poe, chair ng Senate public services committee.
Sinabi ni Poe na tiniyak naman ni LTFRB Chair Martin Delgra III na tatanggap pa rin sila ng karagdagang aplikante sakaling mairehistro na ang 65,000 sasakyan.
“Pero sa ngayon payagan na muna natin na mairehistro na ang mga yan at saka natin buksan ulit. Ang malinaw dito, sinabi ni Chairman Delgra na after i-register nila yung 65,000 at may kakulangan, bubuksan naman nila uli,” dagdag ni Poe.
“Kaya lang ang dami kasing colorum ngayon na hindi pa narerehistro so unahin na natin na i-rehistro ang mga iyon,” ayon pa kay Poe.
Noong Lunes, itinaas ng LTFRB sa 66,750 ang bilang ng mga transport network vehicle services (TNVS) na papayagang bumiyahe mula sa 45,700 kotse.
Sa kabuuang 66,750 na bibigyan ng prangkisa ng LTFRB, 65,000 rito ay sa Metro Manila, 1,500 naman sa Metro Cebu at 250 kotse sa Pampanga.

 

Follow us on Twitter: @banderainquirer  Facebook: inquirerbandera   Instagram: @banderainquirer

Read more...