Palasyo itinanggi “bayad-utang” ang pagtatalaga sa INC head bilang special envoy

ITINANGGI ng Palasyo na bayad utang na loob ang ginawang pagtatalaga ni Pangulong Duterte  kay Iglesia ni Cristo (INC) head Eduardo Manalo bilang special envoy of the president for Overseas Filipinos Concerns.

Sa isang briefing, iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na malawak ang naitulong ni Manalo sa mga Pinoy sa iba’t ibang bansa.

“Hindi po iyan bayad-political. Siguro po itong mga pangyayari ngayon na nagiging biktima ng pag-abuso ang ating mga  OFWs ay naging udyok na matalaga itong si Mr. Manalo, dahil nga doon sa kanyang – sinabi ko na kanina – malawak na network at iyong kanilang serbisyo na sa ating mga kababayan abroad,” giit ni Roque.

Matatandaang si Duterte ang sinuportahan ni INC sa nakaraang eleksiyon.

Siyempre po hindi naman sila itatalaga kung wala siyang napatunayan nang serbisyo doon sa ating mga kababayan na nakatira sa iba’t-ibang bansa,” dagdag ni Roque.

Kasabay nito, naniniwala si Roque na hindi nalabag ang “separation ng church at state” sa pagkakahirang kay Manalo. 

“Ang pagtatalaga po kay Mr. Eduardo Manalo ay dahil meron po naman talagang network si Mr. Manalo, lalung-lalo na sa iba’t-ibang mga Pilipino na nagtatrabaho sa iba’t-ibang mga bansa. Meron po silang anim na milyon na konggregasyon at matagal na po sila na gumagalaw sa hanay ng mga Overseas Filipino Workers,” paliwanay ni Roque. 

Read more...