Mga Laro sa Pebrero 16
(Smart Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Blackwater vs Kia Picanto
7 p.m. GlobalPort vs Magnolia
PINASIKIP ng Meralco Bolts ang pag-aagawan para sa kailangang walong koponan sa quarterfinals matapos nitong biguin at hilahin pababa ang Phoenix Fuel Masters sa pag-uwi sa 92-90 panalo sa kanilang 2018 PBA Philippine Cup game Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sinandigan ng Bolts ang krusyal na dalawang free throw ni Chris Newsome at tres ni Garvo Lanete sa natitirang 5:14 ng laro upang makaiwas sa posibleng pagsadsad sa laro tungo sa pagkolekta sa ikatlong panalo sa loob ng siyam na laro.
Agad na umarangkada ang Meralco sa pagsisimula pa lamang ng laro sa paghulog ng 29-18 bomba sa unang yugto at dinagdagan pa nito sa 25-22 sa pagtatapos ng first half ng laro upang maitala nito ang pinakamalaking abante sa 16 puntos, 54-38.
Gayunman, gumanti ang Fuel Masters sa ikatlong yugto sa paghulog ng 35 puntos habang nilimitahan nito ang Bolts sa 16 puntos upang agawin ang limang puntos na abante sa pagtatapos ng ikatlong yugto, 75-70.
Huling nagtabla ang laro sa 81-all mula sa layup ni Newsome bago nito nagawang agawin muli at ibigay sa Bolts ang abante sa paghulog ng dalawang free throw na sinundan ni Lanete ng isang tres na sinandigan na nito tungo sa paghablot ng panalo kontra sa Fuel Masters.
May pagkakataon pa sana ang Fuel Masters na maagaw ang panalo subalit nagmintis ang tira ni Jeff Chan sa huling 2.3 segundo ng laro upang muling maputol ang pagwawagi nito sa apat lamang at malasap ang ikalimang kabiguan.
“I don’t know yet what will happen in the standings,” sabi ni Meralco coach Norman Black. “It’s pretty close and really tight. First thing for us is that we are duty bound to win all our remaining games.”
Pinamunuan ni Lanete ang Bolts sa kinolekta nitong 24 puntos, 1 rebound at 1 assist habang nagdagdag si Chris Hodge ng 17 puntos kasama ang 3 rebound, 3 assist, 2 steal at 2 blocks.