DA who ang Cabinet Secretary na ito na sa sobrang kadaldalan sa presscon, nagiging taklesa at ibinubuko ang balak ng gobyerno at maging kapwa opisyal ng pamahalaan, bagamat kapag naiipit na dahil sa kanyang nasabi ay biglang magde-deny at sisihin pa ang media na siyang nag-imbento ng mga salitang lumabas mismo sa kanyang bibig?
Madalang lamang magpresscon ang opisyal na ito na kilalang malakas kay Pangulong Aquino. Paano ba naman hindi masasabing malakas, sa kabila ng bahang nararanasan sa Metro Manila na nagdulot ng perwisyo sa mga tao, binigyan pa ng bonus ang mga empleyado ng departamento nito kayat marami tuloy ang umalma. O, give away na yung clue, ha?
Balik tayo sa pagiging taklesa ni Secretary. Noong unang nagpapresscon si Kalihim, inihayag niya na papasabugin ang mga istraktura sa mga daanan ng tubig na siyang nagdudulot ng pagbara ng mga estero at iba pang waterways.
Siyempre, inalmahan ito ng iba’t-ibang grupo at umani ng mga pagbatikos. Ang ending, super deny si Secretary. Nag-ikot sa mga radio station para pabulaanan ang kanyang sinabi.
Hindi nadala, at naulit na naman ang pagiging taklesa. Nagpa-presscon na naman at ibinuking niya ang mga mayor na umapela para ipagpaliban ang pagpapaalis ng mga informal settlers sa mga danger zones dahil sa nagdaang eleksyon. Bagamat hindi pinangalanan, binanggit niya ang walong estero sa Metro Manila na kung saan target ng pamahalaan na maialis ang tinatayang 20,000 pamilya ng informal settlers.
Paano ba naman 2011 pa inihayag ng pamahalaan ang planong ito, hanggang ngayon, wala pa ring naililikas dahil sa pinalipas muna ang eleksyon. Siyempre mga botante ang mga squatters. Pero, itanggi na naman ni Secretary ang sinabi hinggil sa mga mayor. Alam kong nahulaan na ninyo kung sino ang tinutukoy ko na tinatawag lagi ni Pangulong Aquino sa kanyang palayaw na pambabae.
q q q
Nitong nakaraang Lunes, walang mahagilap na tagapagsalita ni Pangulong Aquino. Nang itext ng mga miyembro ng media ang mga opisyal, sinabi nila na nasa meeting lahat ang mga miyembro ng Communications Group sa loob kasama ni Pangulong Aquino.
Kinabukasan biglang napasugod si Secretary to the Cabinet Jose Rene Almendras sa presscon para itanggi ang mga naglabasan sa media na nagpatawag ng emergency meeting ng Communications Group si PNOY .
Aniya, regular lamang itong pagpupulong kasama ng iba pang miyembro ng Gabinete. Hanggang ngayon hindi magkakasundo ang mga tao ni PNoy sa kanyang Communications Group. Laging may miscommunication…
Maraming umaalma sa naging desisyon ng PCSO na itaas sa P20 mula sa P10 ang presyo ng mga tiket sa lotto. Dati-rati kasi ang 6/42 at 6/45 ay mabibili lamang sa P10 bagamat dati nang P20 ang iba pang tiket kagaya ng 6/49 at 6/55. Ang dahilan ng PCSO, para tumaas ang ibinibigay na premyo sa lotto.
Iniaangal naman ng publiko ang desisyong ito ng PCSO. Karamihan sa mga tumataya ng lotto ay mga mahihirap nating kababayan na naghahangad makaahon sa hirap. Dahil nga sa desisyon ng PCSO, mas mahirap para sa kanila na maglaan ng P20 para sa kanila na makabili ng lotto sa araw-araw.
Ayon sa mga reklamo, hindi rin naman lumaki ang mga inaalok na premyo ng PCSO sa mga consolation prizes taliwas sa dahilan ng PCSO. Ikonsidera dapat ng PCSO ang desisyon nito para naman hindi lalong pahirap sa mga mahihirap ang presyo ng tiket sa lotto.