“AKALA mo lang wala! Pero meron! Meron! Meron!” Sino ba ang makakalimot sa classic line na yan na pinasikat ni Carlo Aquino sa pelikulang “Bata Bata Paano Ka Ginawa” na pinagbidahan ni Vilma Santos noong 1998.
Siguradong mapapa-throwback kayo sa panahong ito kapag napanood n’yo na ang bagong hugot movie ni Carlo na “Meet Me In St. Gallen” kasama ang napakagaling ding aktres na si Bela Padilla.
Sa pelikulang ito kasi n’yo mari-realize na binata at pang-leading man na pala ang gumanap na anak ni Ate Vi sa “Bata Bata”, na nakikipaghalikan at nakikipag-love scene na pala ang dating award-winning child star ng ABS-CBN.
Napanood namin ang “Meet Me In St. Gallen” sa star-studded na premiere night nito early this week sa Trinoma Cinema 7 at hindi kami nanghinayang sa inilaan naming panahon at effort para sa pelikula na idinirek ni Irene Villamor mula sa Spring Films at Viva Films.
Tulad ng aming inaasahan, muling ipinamalas nina Carlo at Bela ang kanilang effortless at natural na natural na pagganap bilang dalawang taong nagkatagpo, nagkainlaban ngunit sinubok ng mapagbirong tadhana.
Sa loob lang pala talaga ng tatlong araw nagkita ang mga karakter nina Bela at Carlo sa pelikula, kabilang na riyan ang pagkukrus ng kanilang landas sa isang Christmas village sa Switzerland.
In fairness, ang ganda-ganda ng mga lugar kung saan kinunan ang ilan sa madadramang eksena ng dalawang bida, kaya siguradong pagkatapos mong panoorin ang movie parang gusto mo nang magpa-book patungong Switzerland para makapag-emote ka na roon.
Simple lang ang kuwento pero punumpuno ng puso at kahit nga halos sina Carlo at Bela lang ang mapapanood sa kabuuan ng pelikula, walang boring o umay factor dahil parang kasama ka lang nila sa mga eksena – pumili ka na lang kung magiging Team Carlo ka ba o Team Bela!
Hindi na kami masyadong magkukuwento tungkol sa istorya, basta ang masasabi lang namin, perfect sina Bela at Carlo sa kanilang mga karakter, lalo na ang huli na maraming pinaiyak sa kanyang hugot moments sa bandang ending nang malaman na niya kung ano ang naging buhay ni Bela nang magdesisyon itong magtungo sa ibang bansa para hanapin ang kanyang sarili.
Bukod diyan, nagkakaisa ang mga members ng entertainment media sa pagsasabing sa pelikulang ito mapapanood ang pinakagwapo at pinakamagaling na version ni Carlo Aquino.
Showing na ngayon sa mga sinehan ang “Meet Me In St. Gallen”, ang pre-Valentine offering ng Viva Films at Spring Films. Kailangang mapanood ito ng mga taong nahihirapang mag-move on sa kanilang mga ex. At deserving din ito na mabigyan ng Grade A mula sa Cinema Evaluation Board.