PARA siyang aliping hangad ang lilim, o manggagawang hangad ang bayad. Mga pagkabigong minana. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Jb 7:1-4, 6-7; Slm 147:1-6; Mc 1:29-39) sa ikalimang linggo ng karaniwang panahon.
May inaasahan ba ang manggagawa sa TRAIN ni Digong? Hindi makakain ang TRAIN. Kung siya’y aliping walang tiyak na lilim, o suweldong di wasto at nasa takdang araw, ang kanyang kaapihan at tuloy na paghihikahos ay itinakda mismo ng mga politiko. Sa gulo sa Mendiola at University Belt noong Enero 1970, ang isinisigaw ay ang mataas na presyo ng bilihin at langis; at ang suweldo na di makabibili ng pagkain sa tatlong beses na pangangailangan sa araw-araw.
Huwag mag-panic. Dapat sabihin ito ng mga doktor sa mga magulang na namatayan ng mga anak sa North Caloocan pagkatapos mabakunahan ng Dengvaxia ni Noynoy Aquino. Baka mapugutan lang sila ng ulo rito. Apat na mga magulang ng dalawang estudyanteng babae ang di magpapabayad sa Sanofi. Ang ibig nila’y mabulok sa bilibid sina Aquino, Garin at Abad.
Araw ni Ka Blas Ople (Peb. 3, nakalulungkot na humuhupa ang pagmamahal sa tinubuang Hagonoy). Hindi malalim ang aking ugnayan kay Ka Blas, pero bilang batang reporter noong may curfew pa, ang utos (di payo) niya sa akin ay basa, basa, basa at sulat, sulat, sulat. Hindi nagtapos sa kolehiyo si Ka Blas pero ang mga abogadong senior partners niya sa anumang opisinang kanyang pamunuan ay sa kanya pumupulot ng talino’t galing.
EDSAyang 1: Isa sa mga kasinungalingan ng dilawan ay ang martial law ni Marcos. Ang martial law ay hindi si Marcos, kundi ang US. Kung ang 1081 ay kinontra ng US, di ito itutuloy ni Marcos. Ayon sa ulat ni US Ambassador Henry Byroade, hinihintay ng US ang RP martial law dahil ito’y kontra komunista. Kaalyado ng komunista si Ninoy.
Kaalyado sa kaisipan sina Fabian Ver at Corazon Aquino. Ibig ni Ver na bombahin ang nagtipun-tipon sa Aguinaldo, na di sinunod ni Marcos. Ibig ni Cory na bombahin ng Kano ang tropa ni Honasan noong Dis. 1989, na di pinaunlakan ng US. Bayani sina Ninoy at Cory? Dapat tanggalin na sila sa P500.
Kumober ako ng EDSA 1 noong 1986 (ika-10 taon ko na sa pahayagan nang sumiklab ito) at di ko nakitang nanguna si Cory sa pekeng rebolusyon. Ang pagkalas (di pag-aalsa) ay pinangunahan ni Enrile at sumunod lamang si Ramos. Ginawang bayani ng dilawan si Ramos, ang hepe ng PC, ang berdugo sa kanayunan at kalunsuran. Ni isang pinatay na aktibista o komunista ay di pinanagot si FVR. Ang multo, at tadhana, ay di umaatras sa paniningil.
Tuloy na ang eleksyon sa barangay. Sa Diocese of Novaliches, masidhi ang pagsubaybay ni Bishop Antonio Tobias sa pamamagitan ng itinalagang mga kinatawan ng Public Affairs Ministry. Gagampan ang UBAS (Ugnayang Barangay at Simbahan). Sa Vicariate of Santo Nino, anim na parokya ang aking kinakatawan.
PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Ebanghelyo, Paombong, Bulacan): Hindi nakikialam ang simbahan sa pasyang paghihiwalay ng mag-asawa dahil di naman nito batid ang ugat. Kung maililigtas, iligtas ang pagsasama, lalo pa’t kasal. Sa pag-ibig ay may “choices,” ang Diyos o ang pasya ng nagtutunggaling mag-asawa. Ang tamang “choice” ay (unahin) ang Diyos. Kung namayani ang demonyo at pinili ang bagong laman… (ikaw din ba ito? Txt 0916-5401958).
PANALANGIN: Pagkalooban Mo ako ng lakas at magandang hanapbuhay para maitaguyod ko ang pamilya na sa akin ay Iyong ibinigay. Panalangin ng ama, ni Fr. Mar Ladra, Diocese of Malolos; Pakinggan ako o Diyos ng katarungan, sa aking pagtawag; bigyang-ginhawa ako sa aking kagipitan. Salmo 4.
MULA sa bayan (0916-5401958): Sec. Manny Pinol, tulungan mo pong ma-reforest ang ilang kalbong bundok sa amin. Baka dumating ang killer floods sa amin. Kahayag, Bislig City …9882
DG Bato. Bakit mas lalong dumami ang shabu sa Valenzuela lalo na sa Paso de Blas at Maysan? …5602
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.