MULA noong Enero ay mahigit P5 na ang itinataas sa presyo ng bawat litro ng gasolina at diesel.
Kasama na rito ang linggo-linggong pagtaas ng mga kompanya ng langis at ang excise tax na ipinataw ng gobyerno upang mabawi ang mawawala nitong kita sa pagpapababa sa buwis na binabayarang ng mga empleyado na hindi minimum wage earners.
May mga pangamba na umabot sa P60 ang bawat litro ng gasolina at dahil may excise tax na rin ang diesel (hindi katulad noong nakaraang taon na exempted) baka pumalo rin ang presyo nito sa P50.
Kahapon ay nasa P41 level na ang diesel sa mga gasolinahan na nadaanan ko.
Malayo na ito sa P26 per liter level nang umupo si Pangulong Duterte sa Malacanang noong Hulyo 2016.
Kung ‘yung P1,000 dati ay nakaka-38 litro, sa presyuhan ngayon ay nasa 24 litro na lang ito.
Malaki-laki rin ‘yung nawala, at siyempre trapik kaya maraming nasasayang na diesel at gasolina.
Problemado pa ang isang miron dahil hindi siya makabiyahe nang maayos. Natatakot kasi siyang mahuli ang karagkarag niyang jeepney.
Kung hindi makakabiyahe, nganga.
Pero dapat naman kasi ay hindi niya pinabayaan ang jeepney niya na magkasira-sira.
Dapat naman talaga ay inayos niya ang kanyang sasakyan dahil dito siya kumukuha ng kanyang ikabubuhay.
***
Ipinangako ni Duterte ang pagpapababa sa income tax ng mga empleyado at tinupad naman niya ito.
Wala naman siyang sinabi na hindi itataas ang buwis kapalit nito.
Ang umiiyak dito ‘yung mga hindi naman nakinabang sa bawas personal income tax pero kinakapos ngayon dahil kahit na pambaon ng anak niya na Zesto ay tumaas ang presyo.
***
At dagdag na problema rin ang kakulangan ng suplay ng murang bigas ng National Food Authority.
Pinutol na kasi ng NFA ang suplay sa mga tindahan sa maraming palengke para may maipantustus ito sa mga pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyo noong nakaraang taon, at ngayon sa mga nasa evacuation center dahil sa pagputok ng bulkang Mayon.
Kaya ang ordinaryong Juan dela Cruz sy sa commercial rice ang bagsak. Kung sa NFA na P32 ang kilo, ang commercial rice ay mahigit P40.
Sakit sa bangs, di ba?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.