Misis ng seafarer lulong sa droga

DATING walang-wala ang mag-asawang Ronaldo at Elvira.

Madalas na pumapalya sila ng hapunan dahil sa kahirapan ng buhay. Apat ang anak nila at pawang maliliit pa.

Ito ang nagtulak kay Ronaldo na mag-aplay at sumakay ng barko. Mabilis naman siyang natanggap at nakaalis kaagad.

Nakakatatlong sakay pa lang si Ronaldo pero nagsimula nang magloko si Elvira.
Kahit marami na siyang nababalitaan sa mga pinaggagagawa ng kanyang asawa, hindi niya iyon pinaniniwalaan.

Umaasa siyang nananatiling tapat ang asawa at napapangalagaan nito ang kanilang mga anak.

Nang umuwi ang kumpare nilang si Jun na isa ring seafarer, siya mismo ang nakasaksi sa pagwawala ng asawa ni Ronaldo.
Kitang-kita niya na may kasama itong lalaki sa isang mall at halos hindi makabitaw sa pagkakayakap sa kanya.

Nag-alala siya para sa kaibigan kung kaya’t nagmatyag siya at sinundan pa nang patago si Elvira.
Nakikita niyang sa bawat paggastos, ang babae ang siyang palaging naglalabas ng kaniang wallet at nagbabayad.

Naisip niyang alamin ang tunay na pinagkakaabalahan ni Elvira kung kayat madalas siyang dumadaan sa bahay nina Ronaldo.

Nalaman niyang palaging umaalis ito ng bahay at iniiwan ang mga anak sa katulong.

Minsan nadatnan niya itong bihis na bihis ng seksing kasuotan, maikling damit, makapal ang make-up at mabangong-mabango.

Nagpaalam siya kaagad at nag-abang sa isang tagong lugar upang masundan ang asawa ng kumpare. Nakita niyang may lalaking sumundo dito at pumasok sila ng isang motel.

Sa eksenang iyon, iniwan ni Jun ang kumare. Nagtanong-tanong siya sa tinitirhan nina Elvira at nalaman niyang may mga kaibigan pala itong adik sa ipinagbabawal na gamot at maging siya ay lulong na rin dito.

Wala pang kaalam-alam ang mister na adik na pala ang asawa. Ang alam lamang niya ay
nagloloko ito.

Hindi na rin makatiis ang pamilya ni Ronaldo at ang tatay niya mismo ang nagsumbong sa kanya na pinatotohanan naman ng kumpareng si Jun.

Nang mabisto, nanakot pa si misis. Hindi raw puwedeng putulin ang pagpapadala sa kaniya ng pera dahil siya ang legal na asawa at sa kanya dapat ipinadadala ang 80 percent na allotment ng mister.

Itinuwid naman ito ni Atty. Dennis Gorecho, maritime lawyer ng Bantay OCW, na sinabing hindi awtomatikong asawa ang siyang allottee ng isang seafarer.
Puwede niyang ibigay iyon sa kaanak na mapagkakatiwalaan o di kaya’y hatiin iyon at ideposito sa sariling bank account ng seafarer.

Handa na rin ang pamilya na isuplong sa otoridad ang adik na misis ng marino.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...