Pauwiin, domestic helpers sa Middle East

SOBRA ang hawak sa leeg ng mga bansang Arabo sa ating bansa kaya’t pinagwawalang-bahala na lang ang mga kalupitan na dinaranas ng mga Pinay household helpers sa Saudi Arabia, Kuwait at United Arab Emirates.
Ang dahilan ng paghawak sa leeg ng mga Arabo sa atin ay ang kanilang langis at mga milyon-milyong skilled at professional overseas Filipino workers o OFW na nasa mga bansa nila.
Natatakot ang ating gobiyerno na kapag di na umagos ang langis patungo sa Pilipinas galing sa Middle East at pauwiin ang lahat ng mga OFW sa kanilang mga bansa ay baka bumagsak ang ating ekonomiya.
Kaya’t ganoon na lang ang pagbulag-bulagan ng pamahalaan sa mga kalupitan at kahayupan na dinaranas ng mga Pinay domestic workers sa iba’t ibang bansa sa Middle East.
Kamakailan, pinauwi ni Pangulong Digong ang mga Pinay domestic helpers sa Kuwait dahil sa mga nalalathalang pagmamalupit sa kanila ng kanilang mga among Kuwaiti.
Pero ang mga mas malupit na mga amo ng mga Pinay maids ay yung sa Saudi Arabia.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos sa aking public service program, Isumbong mo kay Tulfo, ay nakakatanggap ng mga reklamo tungkol sa pagmamalupit sa mga Pinay ng kanilang amo sa Saudi.
Ang mga nagrereklamo ay mga kamag-anak ng mga Pinay na pinagmalupitan at hinihingi nila na mapauwi ang kanilang mga kamag-anak.
Andiyan yung reklamo na ni-rape ang isang Pinay ng kanyang among lalaki at nang lumayas siya ay pinahuli siya.
Sa police station sa Riyadh kung saan dinala ang pobreng katulong, pinagpasapasahan siyang gahasain ng limang pulis!
Andiyan yung Pinay na binulag ng kanyang amo sa pamamagitan ng pagkiskis ng steel wool sa kanyang mata sa maliit na pagkakamali.
Andiyan yung di pinakakain at pinagpapasa-pasa sa iba’t ibang amo na wala naman sa kanilang kontrata nang umalis sila sa bansa.
Marami na kaming napauwing mga Pinay domestic helpers sa Saudi Arabia, Kuwait at UAE, pero dagsa pa rin ang reklamo.
Sa inis ko ay nasabi ko sa aking mga staff na huwag nang tumanggap ng mga reklamo sa mga kamag-anak ng mga Pinay na domestic helpers sa Saudi.
Alam nila ang mangyayari sa kanila, bakit pa sila pumunta? ang aking tanong.
Sa aking programa, ilang daang beses ko nang sinasabi sa mga nag-aaplay na domestic helper patungong Saudi na huwag nang ituloy.
Sinasabi ko pa na kapag nakita sila ng kanilang amo na nakalabas ng banyo at bagong ligo at nakalugay ang kanilang buhok, malamang ay malilibugan ito at gagahasain sila.
Pero ang titigas ng mga ulo!
Pero heto, balik na naman kami sa pagtulong sa mga inaaping mga domestic helpers sa Saudi.
Nakakaawa naman kasi at mahirap silang tikisin.
Nananawagan ang inyong lingkod sa ating pamahalaan na itigil na ang pagpapadala ng mga domestic helpers sa mga bansang Arabo.
Luha lang ang inaani ng ating mga kababayan na domestic helpers sa mga bansang Arabo.
Ang turing ng mga Arabo sa ating mga Pinay domestic helpers ay mga ari-arian o alipin at hindi tao.
Sabi ng isang domestic helper na napauwi ng aking programa galing ng Saudi, ang tawag daw sa mga Pilipino ng mga Arabo ay mga baboy dahil kumakain tayo ng baboy.
Hanggang kailan tayo magtitiis sa pagyurak sa dangal ng bansa dahil lang kailangan natin ng pera at langis ng Middle East?

Read more...