Miss Caloocan 2018 sasabak sa ‘public service’


NAMANGHA kami sa bagong Caloocan City Hall sa pamamahala ni Mayor Oscar Malapitan na limang taon palang naninilbihan sa siyudad. Marami nang magagandang pagbabago roon.

Panahon pa kasi ni Mayor Rey Malonzo nu’ng pumunta kami sa City Hall ng Caloocan at talagang matrapik ang mga daan na doon kaya nagulat kami sa laki ng pagbabago.

May bago ng gusali ang Caloocan City Hall at katapat nito ang bagong tayong building kung saan umuupa ang iba’t ibang fast food chain at coffee shop. Ipinagmalaki rin sa amin ng mga staff ni Mayor Oca na safe na safe na ang kanilang lugar sa masasamang elemento.

Ito rin ang dahilan kung bakit ang taunang pagpili para sa Miss Caloocan ay ginawa na nilang national para mas marami ang makakita at makaalam sa pagbabago ng kanilang lugar.

Anyway, sa press presentation ng 25 kandidata ng Miss Caloocan 2018 marami kaming nakitang maaaring magtagumpay sa national beauty pageant tulad ng Binibining Pilipinas at Miss World Philippines.

Nalaman naming sumali rin pala sa Miss Caloocan noon sina Angel Locsin, Aubrey Miles at dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon.

Ika-67th year na ang pagpili ng Miss Caloocan at limang taon namang pinamumunuan ni Mayor Oca sa ilalim ng pamamahala ng kanilang Cultural Affairs tourism Office sa pakikipagtulungan ng Caloocan Cultural and Tourism Foundation.

Magiging kinatawan ng lungsod sa iba’t ibang event at cause oriented activities ang mananalong Miss Caloocan 2018 at kabilang din sa responsibilidad niya ang pagsisilbi sa kapwa at pakikiisa sa kawanggawa.

Makakasama rin sila sa isasagawang Chinese New Year Countdown sa Monumento sa Peb. 15 at ang mananalong Outstanding Citizens of Caloocan Awards ay ibibigay naman sa Peb. 16 bilang culminating event ng patimpalak.

Ang 25 kandidata na maglalaban-laban sa coronation night ay sina Zoraya Polon, Nicole Ann Maliglig, Venus Balito, Daniela Cayanan, Julia Mae Mendoza, Jhustyn Chloe Castro, Patricia Agapito, Hyacit Zoleta, Camille Joy Dequina, Ylla Mae Sto. Tomas, Pamela Bianca Villacorte, Andrea Abcede, Jeanne Antonio, Jane Nicole Minano.

Rarampa rin sina Khryss Tricy, Rizza del Prado, Mae Kimberly de Luna, Patricia Maala, Carrie Mikaela Serrano, Stephanie Monce, Camille Bernadeth Roa, Julia Torres, Chrystel Shane Lubrico, Khate Anne Buscaino, Erica Jane Medina, Mary Jane Toribo at Maria Veronica Peregrino.

Sa Peb. 24 gaganapin ang Miss Caloocan 2018 grand coronation night sa City Sports Complex at mapapanood nang live sa TV5.

Read more...