Carlo, Bela 3 beses lang nagkita sa pelikulang ‘Meet Me In St.Gallen’

CARLO AQUINO AT BELA PADILLA

BASE sa kuwento ng isa sa Spring Films producer at nag-edit ng pelikulang “Meet Me In St. Gallen” na si Bb. Joyce Bernal, tatlong beses lang nagkita sina Carlo Aquino at Bela Padilla sa kabuuan ng kuwento.

“First act, first meeting one day nagkita sila (Carlo at Bela) after 5 years, that’s the second day and then another 2 years, that’s the third day. Kaya tatlong araw lang sa lifetime nila,” kuwento ni direk Joyce.

Kanya-kanyang kuwento ng buhay ng bawat karakter ang ipapakita sa movie kaya kahit na tatlong beses lang daw nagkita ang dalawang bida sa pelikula ay maganda pa rin ang pagkakatahi nito.

Hindi naman sinagot nina direk Irene Villamor at Bb. Joyce kung naging magkarelasyon sina Carlo at Bela sa istorya, mas magandang panoorin na lang daw ito ng mga tao.

Kinlnaro rin ni direk Joyce na sa actual shooting ng “Meet Me In St. Gallen” ay wala siya dahil ipinagkatiwala nga nila ang pagdidirek kay Irene, sa editing lang siya tumulong.

Pagkatapos ng presscon ay sinolo namin si direk Irene, ikatlong pelikula na niya ang “Meet Me In St. Gallen”, una niyang ginawa ang “Relaks, It’s Just Pag-Ibig” at “Camp Sawi.”

“Pangalawang mainstream ko po itong ‘St. Gallen’ after Camp Sawi,” saad ng direktor.

Ang “Meet Me In St. Gallen” ay kuwento ng dalawang strangers na nagkaroon ng koneksyon kaya sabi namin kay direk Irene parang “Mr.& Mrs. Cruz” din nina JC Santos at Ryza Cenon ang tema nito dahil nagkaroon din ng ugnayan ang dalawa nang magkita sa beach

“Parang gano’n nga, pero iba naman ang atake nito,” sambit ni direk Irene.

Diretsong tanong namin kay direk Irene kung may pressure sa kanya dahil ang susundan ng “Meet Me In St. Gallen” ay ang “Kita Kita” na mula rin sa Spring Films at Viva Films

“Parang (sabay ngiti). Hindi naman matapatan pero sana (kumita) in terms of box-office, e, ang laki naman talaga ng kinita ng ‘Kita Kita’, pero ayaw ko na ring isipin kasi kapag nandoon ka lang nakatali parang… wala, eh, kakainin ka lang kaya huwag ko na lang isipin,” paliwanag ni direk Irene.

Tulad din nina direk Antoinette Jadaone at Sigrid Andrea Bernardo, nagsusulat din ng sarili niyang script si direk Irene, “Opo, lagi akong written and directed by,” say niya sa amin.

Bakit mas gusto ng direktor na siya ang nagsusulat ng sarili niyang script sa pelikula? “Kasi since naiisip mo na ‘yung direksyon, nag-a-agree ka na sa papel (script) kasi mas madali na siyang idirek kasi na-project mo na sa isip mo while writing it, so mas madali for me.

“Pero excited din ako na sana makahanap din ng ibang writer na makakasundo ko or para iba naman na mapapabilib ako sa sinulat or gustung-gusto ko ‘yung kuwento para ma-interpret ko siya kasi gusto ko namang magdirek ng walang pinanggagalingan o hindi ko siya inisip before para ibang challenge naman,” aniya.

Sa pelikulang “Mr. & Mrs. Cruz” ay mahahaba ang usapan na ayaw ipa-edit ni direk Sigrid kaya ‘yung ibang nanood sa advance screening nito ay nainip at nag-alisan agad. Kaya tinanong namin si direk Irene kung okay lang sa kanya na i-edit ang pelikula niya.

“To a point, okay lang. Kung alam kong okay sige. Saka once na nilabas mo na ang trabaho mo, it’s not yours anymore. Feeling ko maraming tao nang magki-criticize. Kumbaga inihain mo na so hindi na akin ‘yun,” paliwanag ng direktora.

Dagdag pa niya, “‘Yung iba kaya ayaw pakialaman ang trabaho nila kasi sa kanila ‘yun, para sa akin since mainstream movie ito, may sinasabi rin ang producers, lalo na ‘yung mga focus group na sabi nga ni direk Joyce, parang ina-asses ‘yung trabaho mo.”

Mapapanood na ang “Meet Me In St. Gallen” sa Peb. 7, at magkakaroon din ng celebrity screening sa Trinoma Cinema 7 sa Peb. 6.

Read more...