Gusto mo ng martial law?

MAGUINDANAO residents welcome government forces. INQUIRER

SA labas ng Maguindanao, mas maiingay ang ayaw sa martial law kesa gusto.  Bakit ganoon?  Tahimik ang gusto at maiingay ang ayaw.
Sa Maguindanao, gusto na nila ang martial law dahil nakapagsasalita na sila laban sa mga “halal” na opisyal na nagpahirap sa kanila.  Gusto na nila ang martial law dahil nahuhukay na ang daan-daang armas at libu-libong mga bala na ginamit sa paninikil ng kanilang mga karapatan at para mapatahimik sila ng napakatagal na panahon.  Gusto na nila ang martial law dahil ngayon lamang nila nababatid ang tunay na nangyayari at mga katotohanan sa likod ng mapagbalatkayong pamamahala.  Gusto na nila ang martial law dahil nawala ang gumagalang mga armadong lalaki, lalo na kung gabi, at dinudukot na lang ang mga kaaway, mga lalaki man ang mga ito o mga babae.  Gusto na nila ang martial law dahil nakapagsasalita na sila sa awtoridad at may kapangyarihan para ilahad ang madilim na nakalipas.  Gusto na rin ng mga balo ang martial law dahil nakapagsusumbong na sila sa pulisya’t militar kung paano nawala, dinukot at pinatay ang kanilang mga mahal sa buhay noong kasagsagan ng pamamahala ng makapangyarihang pamilya.  Gusto na rin ng mga magsasaka ang martial law dahil naibuyangyang na sa buong mundo ang kanilang kalagayan bilang mga mag-uuma.  Gusto na rin ng mga magsasaka ang martial law dahil may pag-asa na silang mabawi ang mga lupaing kinamkam ng makapangyarihang angkan.  Gusto na rin ng mga pulis at sundalo ang martial law para maging maayos, makatarungan at naaayon na sa batas ang pagtatalaga sa kanila sa kanilang mga puwesto at hindi ibinabase sa turo, palakasan at kapritso.  Gusto na rin ng mga naulila ng pinaslang na mga mamamahayag ang martial law dahil may pag-asa nang makamit nila ang katarungan sa tulong ng gobyernong inakala nila na wala nang kapangyarihan kailanman habang namamayani ang makapangyarihang angkan.
Noong 1972, ang unang sumuporta sa pambansang martial law ay mga misis dahil mas maagang umuuwi ang kanilang mga mister.  Gusto na rin ng mga pedestrian ang martial law dahil nagkaroon ng disiplina sa kalye: mga tumatawid sa tamang guhit at mga driver na kusang sumusunod sa batas-trapiko.
Sa Maguindanao at sa buong bansa, noong 1972, saglit na pinigilan ng martial law ang pagmamalabis.

Gusto mo ba ng martial law?

BANDERA Editorial, 120909

Read more...