Erik walang angas sa katawan kaya paborito ng mga producer


SUMASANG-AYON kami sa mga papuring binitiwan ng kanyang mga kasamahang singers para kay Erik Santos. Parang tribute na kasi ang mga tinanggap na magagandang salita ng magaling na singer mula kina Regine Velasquez, Ogie Alcasid at Martin Nievera.

Magkakasama sila sa isang Valentine concert sa February 10, napakalaking karangalan nu’n para kay Erik, dahil ang mga singers na pinakikinggan-pinanonood niya lang dati ay makakasama na niya ngayon sa entablado.

Mabait daw si Erik, may maipagmamalaking talento, pero walang kaangas-angas at arte sa katawan.

Totoong-totoo naman ‘yun. Sa matagal na panahon na ng pagkakilala namin sa “pinakamabangong” singer ng kanyang panahon ay wala talaga siyang kaintri-intriga sa kanyang sistema.

Kilala namin siya bilang anak at kapatid, maganda ang pagpapalaki sa kanila, dahil nagmamahalan at nagdadamayan silang magkakapatid sa lahat ng aspeto.

Ang makasama nang halos isang buwan sa ibang bansa si Erik Santos ay isang napakalaking oportunidad.

Du’n mo siya makikilala nang husto, du’n mo masusukat ang kanyang mga katangian, uuwi kang maligaya dahil kahit minsan ay hindi siya nagbibigay ng problema sa mga producers ng show.

Sa kabuuan ay isang magaling na singer at mabuting tao si Erik Santos. ‘Yun lang. Walang labis at walang kulang.

Read more...