SAYANG at na-late ako sa presscon ng “My Lady Boss”, a joint venture ng Regal Entertainment and GMA Films kaya hindi ko narinig kung paano nahilot ni Marian Rivera si Mother Lily Monteverde na balitang may hinampo sa kaniya.
Kasi nga raw, may standing project pala si Mother Lily for her and Judy Ann Santos na dapat sana ay isasali niya sa 2013 Metro Manila Film Festival kaya lang, medyo naging difficult daw ang negotiation ni Mother with Marian.
Nang magkita raw kasi sina Marian at Mother Lily, sinabi raw ng love na love nating producer kay Marian ang nasabing proyekto kaya lang nagpasintabi raw ang Kapuso actress na ipadala muna ang material nito sa management company na humahawak sa kanya ngayon – specifically kay Rams David ng APT Entertainment.
Medyo na-offend yata si Mother Lily sa tinuran ni Marian dahil unang-una, contract star siya ng Regal; pangalawa, malaki ang naging partisipasyon ni Mother Lily sa pagsikat niya; at pangatlo, talagang balak naman ni Mother Lily na makipag-negotiate sa APT as soon ay pumayag muna si Marian to do the project.
Kaya lang, mas gusto raw ni Marian na kung ipagpoprodyus daw siya ni Mother Lily ng movie ay solo raw sana niya. Hindi naman niya sinasabing ayaw niyang makasama si Juday pero mas feel daw yata ng magandang aktres na solo muna niya.
May mga nang-iintriga tuloy kay Marian na baka ayaw nitong makatrabaho si Juday.
Siyempre, dumepensa agad si Marian at sinabing pangarap din niya na makatrabaho ang de-kalibreng artista like Juday, she would be honored. It’s just that gusto lang muna sana raw niyang magka-solo movie. Kaya hayun, hindi na muna itinuloy ni Mother Lily ang nauna niyang plano to produce an entry with Marian and Juday sa 2013 MMFF.
Nakisosyo na lang muna siya tuloy sa Star Cinema and Skylight Films sa pelikulang “Pagpag” with the hottest young loveteam na sina Daniel Padilla and Kathryn Bernardo. Nagkayakapan na sina Marian and Mother Lily pero mukhang hindi pa sila 100% ayos. Mukhang nabawasan pa lang ang tampo ni Mother pero hindi pa totally.
Ang inaasikaso muna nila as of the moment ay ang nalalapit na nilang i-showing na pelikula – ang “My Lady Boss” kung saan ka-partner ni Marian dito si Richard Gutierrez na lalong gumuwapo naman ngayon. Sa July 3 na kasi ang showing nito kaya puspusan ang promotions nila ng nasbaing film.
It also stars the hottest cutie na si Tom Rodriguez with Ronaldo Valdez, Maricel Laxa, Rocco Naciono, Sef Cadayona, among others.Punumpuno ng romansahan, lampungan at halikan ang pelikulang ito, as in umaatikabo talaga kaya tiyak na mai-excite ang mga fansa nina Marian and Chard kaya huwag palagpasin.