NANANATILING Kapuso ang GMA News pillar at multi-awarded broadcast journalist na si Mel Tiangco matapos muling pumirma ng kontrata sa GMA kamakailan.
Present sa contract signing sina GMA Network Chairman and CEO Felipe Gozon, President and COO Gilberto Duavit, Jr., EVP and CFO Felipe Yalong at SVP for News and Public Affairs Marissa Flores.
Mahigit dalawang dekada na sa GMA si Tiangco na napapanood pa rin sa GMA flagship newscast na 24 Oras kasama sina Mike Enriquez at Vicky Morales. Siya rin ang founder at ambassador ng socio-civic arm ng GMA Network na Kapuso Foundation.
“Kung gaano ako kasaya noong una akong pumasok sa premises ng GMA, ganu’n pa rin ang kaligayahan ko hanggang ngayon. Unang-una, sapagkat napakabuti sa akin ng mga namumuno sa GMA, at lahat ng aking colleagues dito, mga kasamahan,” sey ng veteran broadcaster sa halos 21 taon niya bilang Kapuso.
Siya rin ang host ng award-winning drama anthology na Magpakailanman.
Kinilala naman ng pamunuan ng GMA ang hindi matatawarang kontribusyon ni Tiangco sa Network.
Ayon kay Gozon, “Ang kanyang integridad is unquestionable. At ang puso ni Mel na makatulong doon sa nangangailangan ay makikita sa kanyang involvement sa Kapuso Foundation ng GMA. Even after she retired, ang involvement niya sa GMA Kapuso Foundation ay hindi nababawasan.”