Nabiktima ng krimen dumami-SWS

Social Weather Stations

Tumaas ang bilang ng mga tao na nabiktima ng pagnanakaw sa nakalipas na anim na buwan, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).

    Sa isinagawang survey noong Disyembre 8-16, 7.1 porsyento o 1.6 milyong pamilya ang nanakawan (nadukutan, pinasok ang bahay o kinuha ang sasakyan) sa nakaraang anim na buwan.
    Mas mataas ito ng 1.3 porsyento sa 5.8 porsyento (1.3 milyong pamilya) na naitala noong Setyembre.
      Ito rin ang pinakamataas na property crime rate mula noong Hunyo 2016 kung kailan naitala ang 10.9 porsyento.
    Tumaas din ang bilang ng mga biktima ng physical violence sa 0.8 porsyento (188,000 katao) mula sa 0.5 porsyento (115,000) sa naunang survey. Ito ang pinakamataas mula noong Hunyo 2016 kung saan naitala ang 0.9 porsyento.
    Sa kabuuang, 7.6 porsyento ng mga pamilya ang nagsabi na isa o higit pang miyembro ng kanilang pamilya ang naging biktima ng krimen sa huling anim na buwan, mas mataas sa 1.5 porsyento na naitalang 6.1 porsyento (1.4 milyong pamilya) noong Setyembre.
    Tumaas din ang mga natatakot na mabiktima sila ng pagnanakaw. Mula sa 54 porsyento ay tumaas ito sa 59 porsyento.
    Ang mga nagsabi naman na hindi ligtas ang kalsada ay bumaba ng isang porsyento at naitala sa 48 porsyento.
    Naniniwala naman ang 42 porsyento na marami pa ring adik sa droga mas mataas sa 37 porsyento na naitala noong Setyembre.
    Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,200 respondents. Mayroon itong error of margin na plus/minus 2.5 porsyento.

Read more...