IPINAGPAG ng Arellano University Lady Chiefs ang malambot na pagsisimula upang talunin nito ang San Sebastian College Lady Stags, 19-25, 36-34, 25-16, 25-21, upang masungkit ang unang twice-to-beat incentive sa Final Four ng NCAA Season 93 women’s volleyball tournament Huwebes sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Ibinangon ni Jovielyn Prado mula sa pagkalasap sa una nitong kabiguan ang Lady Chiefs sa pagtala ng team-high 17 puntos habang nagdagdag sina Regine Anne Arocha, Mary Anne Esguerra, Necole Ebuen at Carla Amaina Donato ng 16, 15, 14 at 13 puntos ayon sa pagkakasunod upang ibigay sa Arellano ang pagiging No. 1 seed at ang importanteng abante sa pagtuntong sa playoff sa kabuuan nitong 8-1 panalo-talong marka.
Ang panalo ng Lady Chiefs ay pumawi sa sakit ng natamo nito na 21-25, 20-25, 25-19, 12-25 kabiguan kontra 2015 champion College of St. Benilde Lady Blazers noong Lunes na pumigil sa hangad ng Arellano na mawalis ang torneo.
Nanghihina ang simula ng Lady Chiefs na nalasap ang unang set na kabiguan at naghabol pa sa ikalawang set sa naging mainit na palitan ng puntos na umabot sa 33-34 iskor bago na lamang nakuha ang kanilang laro sa pag-uwi sa tatlong sunod na puntos para maagaw ang set tampok ang spike ni Esguerra.
Ito na ang gumising sa Arellano na nagawang dominahin ang huling dalawang set.
Nahulog ang Lady Stags sa ikaapat nitong kabiguan kontra sa limang panalo at nabitawan ang silya sa top four kasama na rin ang posibleng eliminasyon.
Kailangan ngayon hintayin ng San Sebastian ang magiging kapalaran na nakasandal na wala sa mga koponan na University of Perpetual Help (5-2), Jose Rizal University (5-3) at St. Benilde (4-3) ang makatuntong sa anim na panalo para magkaroon ito ng pagkakataon na makausad sa susunod na labanan.
Sakaling masungkit ng mga koponan ang ikaanim na panalo ay tuluyang magpapaalam ang Lady Stags sa Final Four sa unang pagkakataon matapos tumuntong sa finals sa huling tatlong season.
Sa ikalawang laro ay nagawang iuwi ng St. Benilde ang ikalawang panalo matapos biguin ang Mapua University, 25-18, 25-15, 25-17, upang manatili sa tsansa sa semifinals sa 5-3 kartada.
Dagdag pa kamalasan sa Lady Stags ang natamo ni Daureane Santos na ankle injury sa laro na lalo pa nagbawas ng isang manlalaro sa SSC na matatandaang nagsimula sa liga na may walo lamang manlalaro.