Atong Ang nag-alok ng P200M monthly payola sa PCSO official

Inalok ng P200 milyon kada buwan ng gambling lord na si Charlie ‘Atong’ Ang si Philippine Charity Sweepstakes Office general manager Alexander Balutan kapalit umano ng pagbibigay sa kanya ng operasyon ng Small Town Lottery sa bansa noong 2016.
Ito ang sinabi ni Balutan kahapon sa pagdinig ng House committee on games and amusement.
“It’s Mr. Atong Ang your honor,” sagot ni Balutan ng tanungin ni Quezon City Rep. Winston Castelo kung sino ang sinasabi niyang nag-alok ng suhol sa kanya.
Sinabi ni Balutan na pumunta si Ang sa kanyang opisina kasama si Sandra Cam, na ngayon ay board member na ng PCSO. Sinabi umano ng dalawa sa kanila na pinapunta sila ni Pangulong Duterte.
“Kapag po kasi isa lang po ang nag monopolize nito (STL operations nationwide) ay wala na po tayong porsyento na pag-uusapan,” ani Balutan.
Kinausap ni Balutan si Duterte at ang sinabi umano sa kanya nito ay: “Don’t bend your rules. Just follow your rules. Just follow your rules, even if it involves my own son.”
Itinanggi naman ni Cam ang pahayag ni Balutan. “He’s lying to his teeth. Atong Ang and President Duterte are friends. The P200 million Atong was talking about was the total amount of STL revenues on a daily basis.”
Sinabi ni Cam na hindi si Duterte kundi ang close aide nito na si Bong Go ang nagsabi sa kanila na makipagkita sa mga opisyal ng PCSO.
Pinayapa naman ni Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe ang dalawang opisyal.
“Ang sabi ni Presidente kahapon sa amin sa Bicol: Sandra, huwag mo na awayin si Balutan para makapagpadala ng P30 million ang PCSO para sa Bicol region para sa mga nasalanta ng pag erupt ng Mayon,” ani Batocabe.

Read more...