Anti-endo bill inaprubahan na sa Kamara

  Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na tatapos umano sa kontraktwalisasyon.
    Pero duda ang mga militanteng kongresista kung matutupad ng panukala ang pangako ni Pangulong Duterte na tatapusin na ang endo.
      Sa botong 199-7 at walang abstention, inaprubahan ang House bill 6908.
    “This will help strengthen the security of tenure of private sector employees to end labor-only contracting and end of contract or endo,” ani House Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu, isa sa may-akda ng panukala.
    Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal ang labor only contracting kung saan ang isang kontraktor ay walang puhunan, kagamitan na kailangan sa trabaho at walang kontrol sa kung ano ang ginagawang trabaho ng kanyang mga empleyadong ipinasok sa isang kompanya.
      Sinabi naman ni Gabriela Rep. Arlene Brosas na sa ilalim ng panukala ay papayagan pa rin ang kontraktwalisasyon dahil kinikilala nito ang job contractor o middle man system.
    “Sa pamamagitan ng bagong probisyon na ipapasok sa Labor Code hinggil sa licensing ng job contractors at outsourcing firms, ibig sabihin pinapayagan ang relasyong principal-contractor-employer.
    Dagdag pa ni Brosas ilulusot ang panukala upang masabi lamang ng administrasyon na natupad na ni Pangulong Duterte ang kanyang pangako noong eleksyon.
    “Tiyak na ilulusot itong pekeng security of tenure bill para lang sabihin na tinupad ni Duterte ang kanyang pangako. Ang totoo’y malaking panlilinlang ito sa manggagawa,” ani Brosas.

Read more...