LABIS palang pinanghinayangan ng mga magulang ni Carlo Aquino ang paghihiwalay nila ng kanyang ex-girlfriend na si Kristine Nieto.
Sa nakaraang presscon ng bagong pelikula ng aktor na “Meet Me In St. Gallen” muli siyang tinanong kung ano ba talaga ang naging rason ng hiwalayan nila ni Kristine.
Nu’ng huli kasi naming makausap si Carlo sa taping ng seryeng The Better Half ay nabanggit nitong napag-uusapan na nila ng dalaga ang kasal dahil seven years na silang magkarelasyon at nagsasama na rin sa iisang bahay.
Kaya nga sobrang nanghihinayang ang kanilang mga pamilya dahil inakala nilang pang-forever na ang kanilang pagmamahalan.
“Basta, walang third party. Siguro nag-mature ng ibang way kaming dalawa. Isa rin ang oras, kasi hindi kami nagkikita, nagtuluy-tuloy din ang projects na ibinibigay sa akin na minsan hindi ako nakakauwi o pag nasa bahay ako, siya naman ‘yung wala,” paliwanang ni Carlo.
Binanggit namin na baka ang oras na hindi niya maibigay kay Kristine ang nag-trigger sa paghihiwalay nila, “Puwede, isa iyon.”
Pero nabigla kami sa sagot niya nang tanungin namin kung sino ang nakipaghiwalay, “Ako!”
Diretsong sinabi ng binata na parang hindi maganda para sa isang lalaki na sa kanya pa nagmula ang break-up. Hindi halos makasagot si Carlo at halos mangiyak-ngiyak niyang pakiusap, “Huwag na lang nating ano…(pag-usapan).”
Pero humirit pa rin kami, paano tinanggap ni Kristine ang pakikipaghiwalay niya? “Siyempre hindi tinanggap agad-agad.”
At dito niya inamin na pati mga magulang ni Kristine ay galit sa kanya.
q q q
Hindi naman itinanggi ng binata na sobrang nami-miss niya ang ex-girlfriend, “Oo naman, siyempre. Seven years ‘yun,” tugon nito.
Sa madaling salita, kanya-kanyang uwi muna sila ng bahay, “Oo, siya umuwi sa kanila kasi bahay ko ‘yun,” saad ng aktor.
Aminado ang binata na hindi siya madalas mag-stay sa bahay niya dahil naaalala niya si Kristine, nasa mga kaibigan daw muna siya kapag walang trabaho.
Nabanggit namin na mahirap talagang mag-isa lalo’t nasanay na siyang may kasabay kumain, o kaya’y wala nang naghahanda ng pagkain sa kanya at nakakausap pag-uwi ng bahay.
“Pinapaiyak mo naman ako, eh,” seryosong sabi ng aktor kaya humingi kami ng paumanhin dahil talagang apektado na siya sa takbo ng usapan.
Nakakatuwa si Carlo dahil simula pa noong bata siya (miyembro pa ng JCS (John Prats, Carlo at Stefano Mori) ay hindi nagbago ang pakikitungo niya sa entertainment press.
Hindi binago ng panahon ang kanyang ugali, nananatiling mapagkumbaba at higit sa lahat, hindi yata niya alam na magaling siyang artista.
Sa bago niyang movie na “Meet Me In St. Gallen” muling patutunayan ni Carlo ang kanyang husay sa pag-arte. Mismong ang direktor na nilang si Irene Villamor ang nagsabi na napakagaling niya sa pelikula bilang si Jesse.
At gusto rin talaga naming mapanood ito dahil sa mga lugar na pinuntahan nila sa Switzerland at para malaman din namin kung may chemistry sila ng kanyang leading lady na si Bela Padilla na isa ring magaling na aktres. Showing na ito sa Peb. 7 mula sa Spring Films at Viva Films.