Direk Maryo may ‘sinundan’ hanggang sa kamatayan


LAHAT daw ng mga dahilan kung paano nagpapaalam ang bawat tao ay mga katwiran na lang dahil ang totoo ay ‘yun na ang takdang panahon ng kanyang paglisan sa mundo.

Nakagugulat na sobrang nakalulungkot ang biglaang pagpanaw ni Direk Maryo J. delos Reyes. Wala naman kasing pahimakas man lang ang kanyang pagkawala.

Dumalo lang siya kasama ang kanyang PA sa isang party sa Dipolog City, masayang nagsasayaw, nang bigla siyang tumumba.

Ganu’n lang ang kuwento. DOA na siya nang isugod sa isang ospital sa siyudad. Napakabilis ng mga pangyayari, walang nag-akala na mawawala agad ang premyadong direktor, dahil wala namang anumang balita tungkol sa kanyang pagkakasakit.

Nu’ng mawala ang kanyang mahal na kaibigang si Tito Jake Tordesillas ay maraming nag-alala para kay Direk Maryo. Apat na dekada na silang magkasama at magiging malaking dagok para sa direktor ang mamuhay nang mag-isa.

Sinabi rin ni Direk Maryo na parang wala nang kahulugan ang kanyang buhay, naging makulimlim na ang kanyang kapaligiran, dahil sa pagkawala ni Tito Jake.

Ngayon ay magkasama na sila sa kabilang buhay.

Mahirap ipaliwanag pero kapag nawawala ang taong pinakamamahal natin ay parang may naiiwanang imbitasyon ng pagsunod para habambuhay na silang magkasama sa dako pa roon.

Ang taos-puso po naming pakikidalamhati sa lahat ng mga iniwan ni Direk Maryo J. delos Reyes.

Read more...