UMAAPELA si Mario Antonio, isa sa mga tatlong labor officials na nasangkot sa sex scandal sa Middle East, sa publiko na huwag siya agad husgahan.
Hintayin daw ang resulta ng imbestigasyon ng Department of Labor and Employment at ng Department of Foreign Affairs.
Inakusahan si Antonio na pinilit niya na maging prostitute ang ilang babaeng domestic workers na tinakbuhan ang kanilang mga malulupit na Arabong employer.
“The allegations are not true and may be the work of recruitment agencies and traffickers we crossed in protecting (our migrant workers),” ani Antonio sa mga reporters sa tanggapan ng Overseas Workers Welfare Office sa Pasay City.
Neknek mo, Antonio! Bakit naman aakusahan ka ng mga dating domestic workers na tinulungan mong makabalik sa bansa?
Bakit ka aakusahan ng mga ito na ipinagbili mo sila sa mga Arabo upang sila’y makabalik ng Pili-pinas?
Kung tinulungan mo sila, Antonio, dapat ay pinapurihan ka pa at hindi siniraan.
At bakit ka naman sisiraan ng mga yun kung sila’y natulungan mo bilang overseas welfare officer?
Parang di kapani-paniwala na ikaw ay sisiraan ng mga taong tinulungan mo.
At ano naman ang kinalaman ng mga illegal recruiters at human traffickers sa iyo na, kung ikaw ay paniwalaan, ay tumutulong lang sa mga babaeng gusto nang bumalik sa Pilipinas?
Parang wala naman silang utang na loob.
Kung totoo kahit na kapiranggot ang balita tungkol kay Antonio at dalawang iba pa, wala silang mga puso.
Takbuhan sila ng mga babaeng inapi ng kanilang mga amo, pero sila mismo ang nang-api sa mga ito.
Mga hayop sila!
Sana huwag silang masalvage ng mga kamag-anak ng kanilang mga naging biktima kapag sila’y bumalik ng bansa.
Gabriela rides again!
Nakisakay na naman ang Gabriela partylist sa mainit na isyu ng pagsasamantala sa mga babaeng domestic workers sa mga refugee centers sa Middle East.
Tinuligsa ni Gabriela Rep. Luz Ilagan ang pamahalaan sa sinapit ng mga kawawang female domestic workers sa kamay ng mga hayop na mga welfare officers.
Asus, gusto mo lang pumiktyur para mapansin ka uli!
Mahilig pumiktyur ang Gabriela sa mga isyung kinasasangkutan ng mga artistang babae na inapi kuno.
Pero hindi nito pinapansin ang mga babaeng mahihirap na inapi.
Dalawa na rito ang mga babaeng mahihirap na nagsumbong sa akin tungkol sa mapait na karanasan nila sa kamay ng mga pulis.
Pero patay-malisya lang ang Gabriela sa kanilang reklamo dahil sila’y hindi mga celebrity.
Ipinaglalaban (kuno) ng Gabriela ang karapatan ng mga kababaihan.
Ewan ko kung bakit marami pa ring naloloko itong Gabriela at ibinoto na naman ito bilang party-list representative noong nakaraan eleksiyon.
Kung alam lang siguro ng mga kababaihan na puro daldal lang at kulang sa gawa ang Gabriela baka hindi ito nanalo.
Kapag bumaha sa Metro Manila, ang mga taong malakas umangal ay yung mga squatters sa evacuation centers.
Kesyo, pinabayaan daw sila ng gobyerno. Kesyo wala raw silang makain. Kesyo hindi pinapansin ang kanilang karaingan dahil sila’y mahirap lang.
Sila ang gumawa ng kanilang impiyerno.
Tinatapon nila sa mga ilog at estero ang kanilang mga basura kaya’t bumabaha kahit konting ulan.
T….a, kung sino pa yung may kasalanan sila pa ang umaangal!