NITONG nakaraang linggo, dalawang mahalagang punto versus katiwalian ang inatake ni Pres. Duterte. Una, ang mga opisyal ng gobyerno na nagsusugal o “financier”, pati mga pulis sa loob ng casino. Ikalawa, ang mga katiwalian sa mga golf courses ng mga DPWH officers at mga kontratista.
Naalala ko tuloy ang direktiba ni PNP Chief Bato de la Rosa noong bagong upo siya sa pwesto noong July 2016. Sabi niya bawal ang mga pulis sa mga casino, sabungan at paglalaro ng golf sa office hours.
Pero nitong Biyernes lang, sina Municipal councilor Lemuel Pugoy ng Cordova at babaeng Police Officer 2 Cyrelle Marie Bayate ng Station 1, Bgy. Parian, ay parehong nahuli sa aktong nagsusugal sa loob ng isang hotel casino sa Cebu City.
Ang PD 1869 at Memorandum circular 6, ay nagbabawal sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na magpunta sa mga casino.
Naalala ba ninyo ang asawa ng isang kongresista sa Pampanga na nagsusugal at namatay sa sunog sa Resorts World Hotel noong June, 2016? Hindi ba dapat na pati mga asawa o kaanak ng opisyal ng gobyerno’y ipagbawal din sa casino?
Sa totoo lang, maraming mga yumamang opisyal ng gobyerno ang naubos din sa sugal sa mga casino.
Sa mga “golf course syndicates”, tinukoy ni Presidente ang mga grupo na nagpapanggap na “kontratista” na magkukuntsaba upang manalo sa proyekto sa gobyerno at paghahatian ang porsiyento kasama ang mga opisyal ng DPWH.
Noong Nobyembre, tinawag ni Duterte na “Wack-Wack syndicate” ang grupo ng mga mayayamang negosyante na sumisimot ng proyekto ng DPWH.
Naalala ko tuloy yung Club Intramuros golf course diyan sa Maynila na ang tawag noon ay “exclusive club of corrupt politicians”. Karamihan ng mga Metro Manila mayors noon ay pumupunta doon kapag lunchtime at para maglaro ng “golf” kausap ng mga malalaking kontratista sa kanilang lungsod o bayan.
Naroon din ang mga opisyal ng DPWH, lalo na iyong mga nasa “planning division”. Sila kasi ang nakakaalam kung “kargado” o parehas ang bawat project” ng DPWH.
Ngayong panahon ni Duterte, mukhang tuloy ang ligaya. Kahit pa na sina DPWH Sec. Mark Villar ay bihasa sa construction sa private sector at si DPWH undersecretary for Legal Affairs and Priority projects na namamahala sa mga “bidding” ay ang di matatawarang si Atty. Karen Jimeno.
Magandang kumbinasyon, at “incorrup-tible” sina Villar at Jimeno, pero ang masakit wala silang kontrol, kapag nagkuntsabahan ang mga “private contractors”, tulad ng ginagawa ng “Wack wack syndicate”.
Sa aking palagay, ang dapat na direktiba ni Duterte ay ipadakip ang ganitong “plunderuous collusion” o “yarian sa kontrata na pera ng taumbayan”. Magsample kayo ng ipakukulong na mga kontratista, Mr President para matigil na ito.
Sa totoo lang, mas malala ang nangyayari sa mga local governments kung saan “nguso ni mayor” ang nagpapanalo sa mga kontrata kahit ipa-video mo pa ang bidding. Ang totoo niyan, “ayos na kasi ang mga presyo” sa bubuksang “bids” at alam na ang mananalo.
So, Mr. President, hulihin ang mga conspirators na ito at i-lifestyle check ang mga DPWH officials pati mga city mayor at engineering officers nito. Ngayon na!
Yarian sa kontrata ng DPWH, contractors buwagin
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...