Mga Laro Linggo (Jan. 28)
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Meralco vs GlobalPort
6:45 p.m. San Miguel vs Barangay Ginebra
Team Standings: San Miguel Beer (5-0); Magnolia (5-1); Alaska (4-2); TNT KaTropa (3-3); Rain or Shine (3-3); Phoenix Petroleum (3-3); Globalport (2-3); Meralco (2-3); Barangay Ginebra (2-3); Blackwater (2-4); NLEX (2-4); Kia Picanto (1-5)
NAGTULONG ang beterano na si Chris Banchero at ang rookie na si Jeron Teng sa krusyal na yugto upang itulak ang Alaska Aces sa ikaapat nitong sunod na panalo matapos itakas ang maigting na 88-84 panalo kontra Blackwater Elite sa eliminasyon ng 2018 PBA Philippine Cup Sabado ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Inihulog ni Banchero ang krusyal na dalawang free throw para ibigay sa Aces ang 83-80 abante matapos na lumapit ang Elite sa 81-80 iskor bago ipinamalas ng baguhan na si Teng ang tibay ng dibdib sa paghulog ng importanteng tres sa huling 65 segundo ng laro upang itulak ang Alaska sa kabuuang 4-2 panalo-talong kartada.
Nagawa muna itala ng Aces, na nabigo sa kanilang unang dalawang laban sa pagsisimula ng torneo, ang pinakamalaki nitong abante na 14 puntos sa laro bago na lamang kinailangan na harangan ng matinding depensa ang Elite na ilang beses na nagtangkang agawin ang panalo.
Nagtala si Banchero ang 16 puntos, 7 rebound, 2 assist at 5 steal para pamunuan ang Aces habang nag-ambag si Vic Manuel ng 16 puntos, 6 rebound at 2 assist. Nagdagdag naman si Teng ng 10 puntos at 5 rebound.
Apektado ang Aces sa pagkawala ng isa sa pangunahing manlalaro nito na si Calvin Abueva sa kabuuan ng laro bago na lamang nito nagawang mailatag ang matinding depensa upang ipalasap sa Elite ang ikatlong sunod na kabiguan at ikaapat sa kabuuan sa loob ng anim na laro.
“It’s not just me that won this game, other players help in this win,” sabi ni Banchero. “Our defense hold us up in the game in the last minute and we are very thankful with this victory.”
Nahulog naman ang Blackwater sa 2-4 panalo-talong kartada kasalo ang NLEX Road Warriors.
“I really thought it was going to be a tough game,” sabi ni Alaska coach Alex Compton. “I’m very relieved. It helped us that they missed a bunch of free throws. “We definitely missed Calvin, but other guys stepped up.”
Samantala, tatangkain ng San Miguel Beer na masungkit ang ikaanim na diretsong panalo sa pagsagupa sa dumadausdos na Barangay Ginebra sa kanilang laro ngayong alas-6:45 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Magsasalpukan naman ang Meralco at Globalport sa unang laro ganap na alas-4:30 ng hapon.