Jay Sonza basag na basag sa pambabastos kay Bimby, bugbog-sarado sa madlang pipol

 

DAHIL sa padalus-dalos na pagkokomento ni Jay Sonza sa kanyang FB account laban kay Bimby, isang ino-

senteng batang walang kalaban-laban, ay nag-alsa ang ating mga kababayan sa pag-upak sa dating news anchor.

Basag na basag si Manong Jay. Ewan kung tinatanggap ng mapakla rin niyang dila ang pagtatanggol ng mga kababayan natin sa anak ni Kris Aquino na tinawag niyang baklain.

Hindi na kailangan pang kumilos ni Kris para idepensa ang kanyang bunso, mga netizens na ang umangkin sa pagbira kay Jay Sonza, tinawag siyang laos ng mga kababayan natin.

Kahit ang mga kalalakihang nag-post ng kanilang mga reaksiyon ay nakibira rin sa dating newscaster, hinanapan siya ng respeto para sa isang batang hindi kayang lumaban, tinawag siyang bastos ng kanyang mga kabaro.

Gusto rin naming ipaalala kay Mr. Jay Sonza na si Bimby ay hindi produkto ni Kris sa ikatlong lalaking kinasama ng aktres-TV host. Nagpakasal sina Kris at James Yap. Pinawalang-bisa lang ni Kris ang kanilang kasal nang maghiwalay na sila ng basketbolista.

Kumakagat naman kasi talaga ang paglalarawan ni Jay kay Bimby. Napakarami niya namang magagamit na angkop na salita para sa bata pero kung bakit ginamit pa niya ang salitang baklain.

Nagpapansin lang ba si Jay Sonza dahil hindi na siya kabilang ngayon sa mainstream? Napakarami ba niyang sobra-sobrang oras para ituon na lang ang kanyang panahon sa panglilibak sa anak ni Kris Aquino?

Ang isip kasing walang pinagkakaabalahan ay paboritong tahanan ng kanegatibuhan. Kundi man siya ang nega ay ninenega niya ang buhay ng may buhay.

Nagbenta ng away si Jay Sonza. Pinakyaw ng publiko ang kanyang tinda. Magpaliwanag man siya ngayon kung ano ang interpretasyon niya sa salitang ginamit niya para ilarawan si Bimby ay may makikinig at maniniwala pa ba sa kanya?

Waley na! Hindi na siya lodi ngayon. Petmalu na lang siya, malupit, dahil pinatulan niya ang isang inosenteng bata na walang kapasidad na lumaban sa kanyang panghuhusga.

Read more...