Rain or Shine Elasto Painters pinadapa ang NLEX Road Warriors
Mga Laro Sabado (Jan. 27)
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Blackwater vs Alaska
6:45 p.m. Magnolia vs TNT KaTropa
IPINAGPATULOY ng Rain or Shine Elasto Painters ang kamalasan ng NLEX Road Warriors matapos nitong iuwi ang 97-86 panalo sa kanilang 2018 PBA Philippine Cup elimination round game Biyernes sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Isang beses lamang ipinatikim ng Elasto Painters ang abante sa Road Warriors sa kaagahan ng laro bago unti-unting dinomina ang kabuuan ng laban upang masungkit ang ikatlong panalo sa loob ng anim na laro at umangat sa solong ikalimang puwesto sa 3-3 panalo-talong kartada.
Pinamunuan ni Maverick Ahanmisi ang Elasto Painters sa itinala nitong 20 puntos, 8 rebound at 3 assist upang makabawi sa masaklap na kabiguan na natikman nito sa Kia Picanto.
Itinala pa ng Elasto Painters ang pinakamalaki nitong abante na 21 puntos, 61-40, sa paghulog ng 10-0 bomba sa ikalawang yugto upang ipalasap sa Road Warriors ang ikaapat nitong sunod na kabiguan matapos na unang magtala ng dalawang sunod na panalo sa pagsisimula ng torneo.
Dahil sa kabiguan ay nahulog sa ika-11 puwesto ang Road Warriors na may 2-4 panalo-talong kartada sa unahan lamang ng nasa hulihan na Picanto na may 1-5 record.
Samantala, asam ng Alaska Aces na masungkit ang ikaapat nitong sunod na panalo laban sa Blackwater Elite sa kanilang laro ngayong alas-4:30 ng hapon sa Big Dome.
Hangad naman ng Magnolia Hotshots na makuha ang ikalimang panalo kontra TNT KaTropa sa alas-6:45 ng gabi.
Huling tinalo ng Aces para sa ikatlong sunod nitong panalo sa loob ng limang laro ang Barangay Ginebra Kings, 97-83, habang nabigo sa huli nitong dalawang laro ang Elite na ang pinakahuli ay sa kamay ng umaangat na GlobalPort Batang Pier, 101-76.
Pinakahuli namang nabiktima ng Hotshots, na nasa ikalawang puwesto sa bitbit na 4-1 panalo-talong kartada, ang Phoenix Fuel Masters, 97-91, habang huling tinalo para sa ikalawa nitong sunod na panalo ng KaTropa ang Meralco Bolts, 99-81.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.