SINO ba naman ang mag-aakalang magiging commissioner si Willie Marcial gayung siya mismo ang nagsabing ang kailangan ng Philippine Basketball Association ay isang abogado o isang marketing man.
Pormal na ninombrahan si Marcial bilang ikasampung commissioner ng kauna-unahang professional basketball league sa Asya kahapon.
Hinalinhan niya si Atty. Chito Narvasa na nagbitiw sa tungkulin noong Disyembre 17 matapos ang kontrobersya sa pag-apruba ng palitan ng draft picks ng San Miguel Beer at Kia Picanto.
Actually hindi lang naman iyon ang ikinaayaw ng mga governors kay Narvasa. Kasi nga sa ilalim ng kanyang pamamahala ay sumadsad ang popularidad ng liga at kumonti ang nanonood.
Napulaan din ang mga pagbabago sa officiating rules na kinaiinisan ng mga fans.
Well hindi nga abugado o marketing man si Marcial pero sa mahigit tatlong linggo niyang panunungkulan bilang officer-in-charge ay naipakita niya na kaya niyang hawakan ang liga nang walang kontrobersya.
Marami na kaagad siyang nagawa. Nabago ang rules at hindi na nakakabagot panoorin ang games. Kaya naman tama lang na bigyan siya ng three-year term.
Sagana naman kasi sa karanasan si Marcial dahil sa nakapagsilbi siya sa lima sa siyam na commissioners. Ito ay sina Emilio Bernardino, Jr., Noli Eala, Renauld ‘Sonny’ Barrios, Angelico Salud at Narvasa.
Ang mga iba pang naging commissioner ng liga ay sina Leopoldo Prieto, Col. Mariano Yenko, Reynaldo Marquez at Atty. Rodrigo Salud.
Ang maganda kay Marcial ay galing siya sa ibaba. Alam niya ang pulso ng lahat ng nagtatrabaho sa liga.
Nagsimula siya bilang statistician. Naging floor director sa televison coverage. Naging media bureau chief kung kaya’t kapalagayang loob ng mga sportswriters at editors. Ang huli ay External Affairs and Communications head.
At wala naman siyang nakakagalit kahit na sinong governor, coach, player o team owner. Lahat ay kapalagayang loob niya.
Kumbaga ay may charming personality siya.
Kaya swak siya sa posisyon. At ito ngang Enero ay nagsagawa siya ng pagbabago sa rules ng PBA. Hindi na tinatawagan ng foul ang konting dampi dahil talaga namang corny iyon. Pero istrikto pa rin sa mga todong balyahan at tiyak na parurusahan ang lumabag.
Pagkatapos ay hindi na basta pinapatawan ng fine ang mga players. Puwedeng umiwas sa fines ang mga ito sa pamamagitan ng community service. Kumbaga ay hindi na magagastusan ng malaki ang mga nagkasala. Basta ba magiging bahagi lang sila ng mga basketball clinics at iba pang related projects ng liga.
At sa pagdedesisyon ay hindi lang siya nag-iisa ang gumagawa. Mayroon siyang committee kaya napag-aaralan nang husto ang bawat isyu.
Tiyak na marami pang ibang pagbabago ang magaganap ngayong ganap na commissioner na si Marcial.
At malamang na makakabawi na ang PBA sa mga masamang kaganapan ng nakaraan! Congratulations and welcome to the top, Commissioner Marcial!