Martinez nakakuha ng slot sa Winter Olympics

KUMPIRMADO na ang muling pagsabak ng figure skater na si Michael Martinez sa 2018 Winter Olympics na nakatakda sa Pebrero sa Pyeongchang, South Korea.

Ipinaalam mismo ni Team Philippines Winter Olympics chef de mission Tom Carrasco ang ikalawang sunod na pagsalang sa Winter Games ni Martinez matapos matanggap ang sulat mula sa International Skating Union (ISU).

Ang Sochi Games Olympian na si Martinez, ay kinapos na makakuha ng awtomatikong kuwalipikasyon para sa Pyeongchang Games na gaganapin sa Pebrero 9-25. Gayunman, masuwerte pa rin siyang nakakuha sa silya matapos ang isinagawang re-allocation process.

“Michael was No. 1 in the waitlist,” sabi ni Carrasco.

Makakasama ni Martinez sa Pyeongchang ang Fil-Am alpine skier na si Asa Miller, na isang qualifier.

Si Martinez ang kauna-unahang Southeast Asian figure skater na nakapaglaro sa Winter Olympics noong 2014 sa Sochi, Russia.

Nakahugot siya ng puwesto sa Pyeongchang Olympics matapos na umatras ang isa sa mga qualifiers mula Sweden.

Ang 17-anyos na si Miller ay naabot naman ang qualifying standard na itinakda ng International Ski Union para sa giant slalom event.

Read more...