DOTr nag-sorry sa palpak na MRT-3

Humingi ng sorry ang Department of Transportation sa patuloy na pagkasira ng mga tren ng Metro Rail Transit 3.
    Sa isang pahayag, sinabi ng DoTr na kulang ang mga piyesa na binili ng dating maintenance provider ng MRT3 na Busan Universal Rail Inc.
    “Bigo ang BURI na panatilihing sapat ang supply ng spare parts at maiayos ang kalagayan ng mga bagon,” saad ng DoTr.
    Mula 2016 hanggang Nobyembre 2017, ang na-overhaul lamang umano ng BURI ay tatlong bagon sa halip na 43.
    Sa Pebrero umano inaasahan na darating ang mga piyesa na binili ng DoTr.
    “Kapag dumating na ang mga bagong spare parts, inaasahang unti-unti na muli nating maiaakyat ang ilang ng mga bumibiyaheng tren at mababawasan na rin ang pagtirik ng mga ito habang bumibiyahe.”
    Ibinaba ng DoTr sa 15 ang bumibiyaheng tren kapag peak hour sa halip na 20.
    Samantala, ipinasusumite ng House committee on good government and public accountability ang final report ng DoTr sa mga vehicle logic unit ng mga tren na pinalitan umano ng BURI ng substandard.
    Ayon kay PBA Rep. Koko Nograles isa na lamang sa 73 tren ng MRT ang mayroong original na VLU, ang piyesa na siyang nagbabantay sa mga safety feature ng tren.

Read more...