ANG mga benepisyaryo ng programang Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) o Emergency Employment Program (EEP) ng Department of Labor and Employment na apektado ng mga kalamidad at emergency situation ay hindi na kinakailangang magkaroon ng sarili nilang protective equipment para sa community service work na itinatakda ng programa.
Sa isang administrative order, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang programang pantrabaho para sa mga benepisyaryo ng TUPAD ay hindi itinuturing na mapanganib alinsunod sa itinatakda ng Rule 1013 ng Occupational Safety and Health Standards.
“Kasabay ng agarang pagpapatupad ng TUPAD o EPP bilang post-disaster intervention sa mga manggagawa na apektado ng mga kalamidad, ang pagkakaroon ng personal protective equipment tulad ng sombrero at t-shirt ay hindi na itinatadhana kung hindi mapanganib ang trabahong isasagawa alinsunod sa Rule 1013 ng Occupational Safety and Health Standards, series of 1989,” ayon kay Bello.
Sinabi rin niya na ang programa ay bahagi ng pinalawig na suporta ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang mabigyan ng ginhawa at emergency livelihood assistance ang mga biktima ng kalamidad tulad ng typhoon, floods, and earthquake.
“Agarang suporta ang ibinibigay ng DOLE sa mga apektadong kababayan natin higit lalo sa mga nawalang ng trabaho upang makabalik sila sa maayos na pamumuhay at maka-recover sa hirap na dinanas nila bunsod ng mga kalamidad. Mabibigyan rin natin sila ng short-term na suporta para sa kanilang kita at pang-araw araw na gastusin,” dagdag ni Bello.
Sa ilalim ng programa, ang mga benepisyaryo ng TUPAD ay sasailalim sa 10 hanggang 30 araw na community service na may minimum salary na P285.00 kada araw.
Habang sila ay nagtatrabaho, ang mga benepisyaryo ng TUPAD ay bibigyan rin ng employability enhancement training upang maihanda sila sa panibagong papasukang trabaho matapos ang emergency employment.
END/Abegail De Vega/ Paul Ang
Information and Publication Service
Department of Labor and Employment
Intramuros, Manila
Telephone Nos.: 5273000 local 621-627
Fax No.: 5273446
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.