DAPAT hindi basta-bastang naniniwala ang mga inquest prosecutor (na tinatawag dati na fiscal) sa mga pulis na nagsasampa ng kaso laban sa mga mamamayan kung ang mga pulis mismo ang personal na nagrereklamo laban sa respondent.
Karamihan sa inquest prosecutors ay tamad, bobo o takot sa pulis na nagsampa ng reklamo.
Bilang host ng programang Isumbong mo kay Tulfo, na tumatanggap ng mga reklamo tungkol sa mga abuso ng mga nasa poder, napansin ko na maraming mga prosecutors na nagsasampa ng kaso sa korte laban sa mga mamamayan dahil lamang ang mga ito ay sinampa ng pulis.
Di man lang nag-iimbestiga ang piskal.
Tingnan mo na lang ang isang kaso na kinasasangkutan ng isang pulis-Maynila, si PO1 Alan Rich Silva, na nagsampa ng kasong robbery at assault laban sa dalawang manggagawa na nakasagutan niya matapos na mabangga niya ang isa sa kanila ng kanyang motorsiklo.
Ang mga manggagawa, sina Regent dela Cruz at Gilbert Soriano, ay nakakulong sa Caloocan City jail habang hinihintay ang kanilang paglilitis sa korte.
Di nila kayang magbayad ng napakalaking piyansa.
Malungkot ang Christmas ng magkaibigang dela Cruz at Soriano dahil di nila nakapiling ang kanilang mga pamilya.
Napag-alaman ng “Isumbong” sa imbestigasyon ng aking staff na walang holdapan sa barangay sa Caloocan taliwas sa sinabi ng pulis.
At saka di raw sinugod upang saktan ng dalawa ang pulis, sabi ng barangay tanod ng lugar na si Romeo Cueto.
Sinamahan kasi ni Cueto ang pulis at sina dela Cruz at Soriano sa malapit na police station upang doon ay magkahingahan ng sama ng loob sa isa’t isa.
Nagtaka na lang si Cueto nang sabihin ko sa kanya na sinampahan ng pulis ng kasong kriminal ang dalawang manggagawa.
Bakit ganoon, sabi ni Cueto, samantalang wala namang nangyaring holdapan kundi sagutan lang sa pagitan nina PO1 Silva at ng dalawang manggagawa.
Maliwanag na hindi pinakinggan ng Caloocan City inquest prosecutor ang panig ng dalawa bago niya sinampahan ang dalawa ng kaso.
qqq
Isa pang inquest prosecutor na masasabing bobo, tanga at gago itong si Taguig Prosecutor Anthony Villamor.
Sinampahan ng mga kasong robbery, attempted homicide at assault ang 16-anyos na batang si Dindo dela Cruz dahil sa reklamo ni PO1 Arnisah Acmad Sarip ng Pasay City police.
Bakit ko nasabing bobo, tanga at gago si Villamor?
Dahil pinaniwalaan niya ang alegasyon ni PO1 Sarip na siya’y hinoldap ng bata habang siya’y nakauniporme.
Sino namang gagong kriminal ang manghoholdap ng pulis na nakauniporme at sa kalye pa!
Naniwala rin si Villamor sa alegasyon ng pulis na may armas ang bata ng pen gun at naunahan siya sa draw ito ng kanyang service firearm.
Saan tinamaan ang bata? Sa likod!
Kung naunahan sa draw Sarip ang binatilyo, eh di sana ang tama niya ay sa harap at hindi sa likod!
Pagpalagay na na nangholdap nga si Dindo, na patpatin ang pangangatawan at mababa ang height, bakit kinakailangan pang ba-rilin siya ni Sarip sa likod habang siya’y patakbo.
Di naman siya tatamaan sa likod kung binaril siya sa harap, di ba?
Ang totoo niyan—ayon sa salaysay ng kaibigan ni Dindo—hinahabol ni Sarip at binaril ang isang taong nang-snatch ng kanyang cellphone pero ang tinamaan ay si Dindo na nakikipag-usap sa kanyang mga kaibigan.