Pinoy nganga pa rin sa ginhawa ng public transport

  Nganga pa rin umano ang mga Pinoy sa pangako ng Department of Transportation na giginhawa ang public transportation.
    Ayon kay PBA Rep. Koko Nograles, pamangkin ni Pangulong Duterte, mahigit isang taon na ay naghihintay pa rin ng pagbabago ang publiko.
      “Tulad ng lahat, inaantay natin ang resulta ng management ni (DOTr) Secretary (Arthur) Tugade at General Manager (Rodolfo) Garcia sa MRT3. One and a half years na still waiting,” ani Nograles.
    Sinabi ni Nograles na kinausap niya si Tugade upang magkaroon ng system audit sa MRT 3 para malaman kung ano ang problemang kinakaharap ng sistema pero puro boladas lamang umano ang sagot nito.
    “Binobola naman tayo lahat ng mga promise niya sa traffic. Saan promise sa tren? Saan promise sa lisensya? Saan promise sa mga plaka? Hindi ba lahat iyan campaign promise ng ating mahal na Pangulo. So, bolero,” saad ng solon.
    Ayon pa kay Nograles nang tanungin niya si Garcia kaugnay ng problema sa MRT ay ipinasa ang kanyang tanong sa tauhan nito.
    “Nagbigay ako ng direct question doon sa atin MRT-3 General Manager, si General Garcia. I asked him some very simple questions regarding MRT-3. Hindi naman niya sinagot. Pinasa niya sa DOTr OIC for rails. Doon mismo sinabi ko, aba, ano ito? Hindi mo alam ‘yung nangyayari sa tren mo?” ani Nograles.
    Iniimbestigahan ng House committee on good government ang paggamit umano ng substandard na piyesa sa MRT ng Busan Universal Rails Inc.

Read more...