May pakinabang ba ang Chacha sa publiko?

TUTOK ang atensyon ng publiko sa panukala na palitan ang Konstitusyon—ang 1987 Constitution na binuo sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Cory Aquino.

Mainit na mainit ang isyu kaugnay sa term extension at no- election sa 2019 na pakikinabangan ng mga politiko na kasalukuyang nakapuwesto.

Hindi naman maitatanggi na ang makikinabang dito ay ang mga last termer, at ang mga politiko na tagilid na manalo sa midterm elections. Kaya masisisi ba sila kung suportahan nila ito?

Bukod sa posible na ma-extend ang kanilang termino ay pwede na ulit tumakbo ang mga last termer, kapag bago na ang Konstitusyon.

At dagdag na pakinabang din ng mga politiko ang panukala na mas mahabang termino. Ang kasalukuyang tatlong taon na planong gawing limang taon. Papayagan na rin ang pagtakbo muli ng presidente para sa ikalawang termino.

Ngayon ang malinaw lang sa publiko ay kung ano ang magiging pakinabang ng mga politiko dito.
Kaya ang tanong ng taumbayan, ano ba ang magiging pakinabang nila sa pagbabago ng Saligang Batas?

Pero walang specific kung bakit ito pakikinabangan ng taumbayan.

Hindi rin naman ipinapakita sa publiko ang mga pag-aaral na hawak nila, kung meron man, kung ano ang inaasahan nilang mangyayari kapag nabago na ang gobyerno.

 

***

At sa kasagsagan ng Chacha ay tuloy pa rin ang pagtalakay ng House committee on justice sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Dahil nga masyadong “masipag” ang Kamara de Representantes ay mukhang lalong matatambakan ng trabaho ang Senado.

Alin kaya ang mauunang matapos ng Kamara?

Kung Charter change ang mauuna, masasayang ba ang mga “na-accomplish” ng Kamara sa impeachment? Kung mauuna naman ang impeachment kailan kaya maaasikaso ng Senado ang Chacha?

Syempre inireklamo si Sereno sa “lumang” Konstitusyon kaya kapag bago na ang Konstitusyon iba na ang patakaran.

Tsaka saan pa ihahain ng Kamara ang kaso na bubuuin nito e buwag na ang Senado? Ngayon kasi sa Kamara inihahain ang reklamo at ang mga kongresista ang nagsisilbing piskal.

Kapag napatunayan ng mga “piskal” o kung makakukuha ng one-third boto ng kabuuang bilang ng mga kongresista (292 kongresista dahil wala pang kapalit ang namayapang si Batanes Rep. Dina Abad) ay impeach na si Sereno. Sabi ni Speaker Pantaleon Alvarez ay mangyayari ang botohang ito bago ang adjournment sa Marso.

Susunod namang iaakyat ng mga kongresista ang kaso sa Senado.

Ang mga senador naman ang magsisilbing hukom o judge. At kailangan ng two-third boto ng mga senador (22 lang ngayon ang makakaboto dahil si Sen. Alan Peter Cayetano ay kalihim na ang Department of Foreign Affairs at si Sen. Leila de Lima ay nakakulong), para matanggal sa puwesto si Sereno.

Paano na kaya ang magiging sistema ng impeachment sa bagong Konstitisyon? Sa pagbabago ng Konstitusyon ay mukhang naroon pa si Sereno at ito naman ang bago niyang haharapin.

Read more...