SI Claudine Barretto ang naging paksa naming magkakaibigan nu’ng isang gabi. Lahat kami’y humahanga sa magandang aktres dahil sa kanyang pagpapakatotoo hindi lang sa kanyang sarili kundi pati na sa publiko.
Inilarawan ng aktres ang kanyang pinagdaanan, palagi siyang dinadalaw ng panic attack disorder, matinding-matindi ang nangyayari sa kanya kapag umaatake na ang kanyang sakit.
Gusto niyang tumalon sa mataas na gusali, hindi siya makahinga, napakadilim ng kanyang paligid dahil pakiramdam niya’y paliit nang paliit ang kinaroroonan niya.
Kahanga-hangang aktres. Hindi lahat ng personalidad na dumadaan sa ganu’ng proseso na tulad niya ay makahaharap sa publiko para amining totoo, may mali sa kanyang sistema, at gusto niyang gumaling.
Hindi dapat ikinahihiya ang ganu’n, mas maganda kung ilalatag ng personalidad ang kanyang mga baraha sa publiko para tapos na ang mga pagtatanong, ganu’n ang ginawa ni Claudine Barretto.
Mabait ang publiko, kapag nagpapakatotoo ang isang personalidad ay palaging may nakareserbang pang-unawa ang ating mga kababayan, makababalik agad sa trabaho si Claudine Barretto.