WALONG sundalo ang naospital matapos kumain ng mga ligaw na kabuteng nakuha nila habang nagpapatrolya sa masukal na bahagi ng Digos City, Davao del Sur, kinumpirma ng militar kahapon.
Kinilala ni 2Lt. Liezel Taguinod, civil-military operations officer ng Army 39th Infantry Battalion, ang walo bilang sina Sgt. Eliseo Peraño, Sgt. Roel Agsam, Cpl. Rufino Acquas, Pfc. Lovinder John Abante, Pfc. Albert Macatabon, Pfc. Ryan Pareño, Pfc. Michael Balisado, at Pfc. Ludijohn Madridano, pawang mga kasapi ng scout platoon ng kanilang batalyon.
Dinala ang walo sa Metro Davao Medical and Research Center sa Davao City noong Martes, at pito sa mga ito’y pinayagan nang makalabas Huwebes ng gabi, sabi ni Taguinod sa BANDERA.
Ayon sa opisyal, nagpapatrolya ang mga kawal sa Brgy. Kapatagan Martes ng gabi nang pansamantalang huminto para maghapunan, kung saan ang ulam ay may kasamang kabute.
“Sa evening mess nag-prepare sila ng pagkain, may isa sa kanila na nagsabing na-try na niya kainin ‘yung mushrooms sa puno, so kinuha nila ‘yun, niluto, kinain, and then after ilang minuto, nahilo at nagsuka na sila,” ani Taguinod.
Humingi ng saklolo ang mga kawal sa 39th IB headquarters kaya nagpadala ng military ambulance para sunduin at dalhin ang mga ito sa ospital, aniya.
Hindi naman parurusahan ang sundalong nagmungkahing kumain ng kabute, ayon kay Taguinod.
MOST READ
LATEST STORIES