INUNA munang tapusin ng kilalang direktor ang dalawang pelikula niya bago umpisahan ang much awaited film project ng sikat na aktres na super busy sa taping ng kanyang teleserye.
Ang akala ng lahat ay ang kilalang direktor ang may problema kasi nga mas inuuna nito ang dalawang pelikulang nasimulan na at nahihinto lang kapag sinabing magsisimula na siyang mag-shoot ng pelikula ng sikat na aktres.
“E, kapag may schedule na for shooting, biglang ika-cancel kasi may ganito o ganyan hanggang sa natagalan na at marami ng rason,” kuwento ng aming source.
Kaya imbes daw na sayangin ng kilalang direktor ang oras niya sa paghihintay ay tinapos na niya ang dalawang pelikula na inaabangan na ng lahat.
Ipinakita na kasi ang teaser ng isa sa dalawang pelikulang natapos niya at talagang napa-wow daw ang lahat ng nakapanood nito dahil ang galing-galing daw ng bidang aktres. Kung hindi kami nagkakamali ay two years in the making din yata ang pelikula.
Kasalukuyang nangyayari sa lipunan ang kuwento ng latest film ng kilalang direktor at naniniwala kami na gagawa ito ng ingay at posibleng maipadala pa ito sa mga prestihiyosong film festival sa ibang bansa.
As of this writing ay ngayong summer 2018 na ang shooting ng much awaited film project ng sikat na aktres at sabay nagkrus ng mga daliri ang kausap namin na kasama sa production na sana’y hindi na magbago ang schedule na ibinigay ng talent management ng humahawak sa cast.