Rosario bumida sa panalo ng TNT KaTropa kontra Meralco Bolts

Mga Laro sa Miyerkules (Jan. 24)
(Smart Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Meralco vs KIA Picanto
7 p.m. GlobalPort vs San Miguel Beer

ISINELEBRA ni Troy Rosario ang kanyang ika-26 kaarawan sa pagtala ng season record at career-high na paglalaro upang itulak ang TNT KaTropa sa 99-81 panalo kontra Meralco Bolts sa kanilang 2018 PBA Philippine Cup game Linggo sa Ynares Center sa Antipolo City.

Umiskor si Rosario ng personal high na 22 puntos kasama ang 10 rebound at isang assist habang itinala rin nito ang most 3-points shots made in the season sa ipinasok nitong anim sa 10 attempt upang tulungan ang mga KaTropa sa ikalawang sunod na panalo at ikatlo sa kabuuan sa loob ng limang laro.

“Sinubukan ko lang po una kung papasok. Tapos nag-try ako ulit na isa na pumasok ulit. So hinayaan ko na lang po iyung sumunod. Pinapraktis ko rin po iyun at masaya po na nakatulong ng malaki sa team,” sabi ni Rosario.

Mainit ang naging pagsisimula ng TNT na umarangkada agad sa 13-1 abante sa pagsisimula pa lamang ng unang yugto at hindi na nilingon pa ang Meralco sa kabuuan ng laro upang pagandahin ang tsansa nito sa susunod na labanan sa pag-angat nito sa solong ikatlong puwesto sa bitbit na 3-2 panalo-talong karta.

Nagawa pang itala ng KaTropa ang pinakamalaki nitong abante sa 22 puntos, 92-70, bago na tuluyang pinigilan sa natitirang huling apat na minuto ang Bolts na nalasap ang ikatlong sunod na kabiguan matapos magwagi sa una nitong laro upang mahulog sa 1-3 panalo-talong kartada.

Nagtala ang TNT ng 15 puntos sa turnovers habang may 24 puntos ito sa paint. Mayroon din itong 14 sa second chance points at walo sa fastbreak points. Nag-ambag ang bench ng 37 puntos habang ang biggest scoring run nito ay 10.

Hindi nakapaglaro sa Bolts ang mga injured na sina Ranidel de Ocampo and Cliff Hodge upang mahulog sa ika-11 puwesto at manganib na maagang mapatalsik sa torneo.

“We knew going to this game that Meralco was undermanned, so ang mentality namin was to really take advantage of that,” sabi ni TNT coach Nash Racela. “Today, from the start to end, we were able to do that. The intensity level was consistent.”

Read more...