HANGGANG ngayon pala ay wala pa ring nagaganap na pagbabago sa hindi kagandahang ugali ng isang female personality. Hindi pa rin siya gustong makatrabaho ng mga production staff ng isang malaking network.
Ayon sa mga kuwento ay ibang klase kasing sumpungin ang pamosong babaeng ito, lahat ay pinapansin niya kapag wala siya sa mood, pinag-iinitan niya ang lahat.
“Nakakaloka ang babaeng ‘yun, may sarili siyang mundo! Talagang kapag nabuburyong siya, lahat ng mga puwede niyang pansinin, e, hindi nakalalampas sa kanya, sa totoo lang!
“Kung puwede lang niyang awayin pati ang mga lamok at langaw, e, baka pinag-initan na rin niya!
Hanggang ngayon, kahit palagi siyang bumibida sa mga blind items, e, wala pa rin siyang pagbabago!” naiinis na kuwento ng aming impormante.
Dati nang kilala sa pagiging sumpungin at maarte ang female personality na ito. Sa shooting nga ng mga pelikula niya nu’n ay naging malaking problema rin siya ng produksiyon dahil sa kung anu-anong hinahanap niya sa gitna ng gubat.
“Puro imposible ang hinahanap niya, e, alam na alam niya naman na imposible niyang makuha ‘yun dahil apat na bundok ang layo nila sa kabayanan! Kapag sinusumpong siya, e, kung anu-ano ang ibinubutas niya sa production!
“Kaya kapag siya ang artista ng movie, e, maraming tumatangging makasama siya. Nakaranas na kasi sila ng sobrang kaartehan at pagiging sumpungin ng babaeng ‘yun!
“Kahit sa mga shows na siya ang bida, maraming naiinis sa kanya. Comedy ang show, pero ang mukha ng mga kasama niya, e, parang pang-Mahal Na Araw ang itine-tape nila. Hindi maganda ang kapaligiran, malungkot, dahil walang pakisama sa staff ang babaeng ‘yun!
“Bakit kasi hindi na lang siya huminto sa trabaho niya kundi naman pala siya nag-e-enjoy? May tao bang masaya sa trabaho niya kung ganyan na palaging ninenega ang mga katrabaho niya?
“Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, nagpipigil lang ang mga kasamahan niya, pero parang gusto na siyang itulak sa septic tank!” pagtatapos ng aming source.
READ NEXT
Unforgivable sin
MOST READ
LATEST STORIES