Suspek sa Maguindanao massacre dakip

Nadakip ng mga otoridad ang isang suspek sa 2009 Maguindanao massacre,  sa isang checkpoint sa bayan ng Sultan Kudarat nitong Sabado, ayon sa pulisya.
Naaresto si Tho Amino, 38, residente ng Brgy. Raguisi na nagtatrabaho sa pagawaan ng bakal,  sabi ni Senior Insp. Jemar delos Santos, tagapagsalita ng Autonomous Region in Muslim Mindanao police.
Nadakip ng mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Unit-ARMM, Regional Intelligence Division, Maguindanao Provincial Intelligence Branch, at iba pang police unit si Amino sa Brgy. Dalumangcob dakong alas-4:50.
Nagsasagawa ng checkpoint ang mga operatiba sa kahabaan ng Narciso Ramos Highway nang maispatan ang suspek, ani Delos Santos.
Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng mga warrant na inisyu ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes para sa multiple murder.
Nag-ugat ang kaso sa pagpatay sa 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag noong Nobyembre 23, 2009, ang itinuturing na pinakamalalang election-related incident sa bansa.
Sa 198 suspek sa masaker, 116 na ang nadakip, kabilang si Amino. Apat sa naturang bilang ang namatay sa kalagitnaan ng pagdinig sa kaso, kabilang si Dating Maguindanao Gov. Datu Andal Ampatuan Sr., isa sa mga pangunahing suspek.
Nasa 112 suspek na ang na-arraign, pero 70 sa kanila ang pinayagang magpiyansa, kabilang ang pinakabatang anak ni Ampatuan Sr. na si Sajid Islam Uy Ampatuan, na pinawalan noong 2015 matapos magpiyansa ng P11.6 milyon.
Kabilang din sa 70 ang 17 pulis na pinayagang magpiyansa ng korte dahil umano sa mahinang ebidensiya laban sa mga ito.
Noong 2017, mayroon pang 102 nakaditineng akusado, kabilang ang pangunahing suspek na si dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., dating ARMM Gov. Zaldy Ampatuan, at Chief Insp. Sukarno Dicay, ang pinuno ng police unit na nag-checkpoint nang maganap ang masaker, ayon sa National Union of Journalists of the Philippines.

Read more...